Home METRO DA sa Mindoro towns na sapul ng El Niño: State of calamity...

DA sa Mindoro towns na sapul ng El Niño: State of calamity ideklara

MANILA, Philippines — Hinimok ng Department of Agriculture (DA) ang mga bayan na tinamaan ng El Niño sa Mindoro na magdeklara ng state of calamity, na mag-uudyok sa pagpapalabas ng mga pondo upang mabawasan ang epekto ng tagtuyot.

Inilabas ng DA ang pahayag matapos magdeklara ng state of calamity ang bayan ng Bulalacao sa Oriental Mindoro dahil sa tindi ng pinsala sa agrikultura doon dulot ng El Niño.

“Dahil sa lumalalang sitwasyon, umapela si Sec. Tiu Laurel sa mga local government units sa buong Mindoro na opisyal na magdeklara ng state of calamity kung kinakailangan,” sabi ng ahensya sa isang release.

“Ang ganitong deklarasyon ay magbibigay-daan sa DA na magbigay ng komprehensibong tulong sa mga apektadong komunidad, kabilang ang tulong pinansyal, mga input sa agrikultura tulad ng mga buto ng pananim, at mga hayop.”

Ayon sa Municipal Agriculture Office, umabot na sa P65 milyon at P27 milyon ang pinsala sa mga pananim ng sibuyas at palay sa Bulalacao.

Sinabi ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na nasa 1,000 magsasaka ang naapektuhan.

Libu-libong ektarya ng palay at sibuyas ang nalanta sa mga bayan ng Bulalacao at Mansalay sa Oriental Mindoro. Sa isang buwang walang ulan, natuyo na rin ang mga ilog na nagbibigay ng tubig sa mga bukirin.

Tiniyak ng gobernador na may maibibigay na tulong sa mga apektadong magsasaka kahit na bumabangon pa ang lalawigan sa oil spill disaster noong nakaraang taon.

Nagtalaga rin ang DA ng isang team para maghatid ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda sa isla.

Idinagdag pa ni Gobernador Dolor na kung magdedeklara pa ng state of calamity ang tatlo pang munisipalidad, isasailalim din sa parehong deklarasyon ang buong lalawigan ng Oriental Mindoro. Santi Celario

Previous articleP70M lotto jackpot paghahatian ng 2 lucky bettors
Next articleMasaker, tortyur sa Bohol ops itinanggi ng PNP, AFP