Home OPINION DAAN SA CALOOCAN, KAILAN BUBUKSAN?

DAAN SA CALOOCAN, KAILAN BUBUKSAN?

NOONG Pebrero 2023, inapura nang noon ay nakaupong director ng National Capital Region Police Office na si PMGen Edgar Allan Okubo ang pagtatanggal ng mga sagabal sa naantalang pagbubukas ng  Mindanao Avenue Extension  upang madaanan na mula Gen. Luis St., Barangay Caybiga patungo sa Toll Plaza sa Ugong Valenzuela.

Nasa Special Action Force pa lang siya ay kanyang tinatrabaho na ang problemang ito ng Department of Public Works and Highways kasama ang National Housing Authority at Caloocan City local government unit.

Nagtulong-tulong ang mga pulis partikular ang nakatalaga sa Caloocan City Police Station at Northern Police District at maging ang DPWH-NHA demolition team upang mapayapang matanggal ang mga bahay ng illegal settlers sa Sitio Gitna, Barangay Caybiga, Caloocan.

Matagumpay ang isinagawang full-scale demolition sa 127 kabahayan na nakatirik sa lugar o sa right of way.

Dahil sa magandang pagpapatupad ng programa para sa pagbubukas ng daanan nang mabawasan na rin ang traffic sa lugar, marami ang umasa na mabubuksan na rin ang matagal na naantalang proyekto na ikinabit na rin sa “Build Better More” Program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Pero hanggang ngayon, napalitan na si Okubo sa NCRPO, hindi pa rin binubuksan ang daanang nasa 3.2 kilometro at gagawin umanong 6 na lane.

Ang pinakabukana nito sa Gen. Luis Street ay ginawang paradahan na mga sasakyan na hindi malaman kung recovered vehicle ng Philippine National Police.  Ginagawang paradahan at diskargahan ng delivery truck at van ng isang bottled soft drinks seller ang kalsada nitong Mindanao Avenue Extension at may mangilan-ngilan na nakapwesto at nagtitinda sa lugar.

May nakatayo na rin na container van na may signage o logo ng Highway Patrol Group. Baka extension office na ito ng HPG?

Kailan nga ba mabubuksan ang Mindanao Avenue Extension sa North Caloocan? Kapag nagtagal nang nagtagal pa ito na nakatiwangwang, tiyak na muli na namang may magsusulputang bahay sa lugar na magiging problema na naman ng pamahalaan ang pagpapaalis.

Baka magulat na lang ang Caloocan City LGU kapag nabisita nito ang lugar at may malakas ang loob na nagpasemento na ng kanilang bahay o kaya naman ay negosyo.

O, baka nga naman balak buksan itong daanan bago matapos ang termino ni PBBM? Ay, talaga naman! Onli in the Pilipins.

Kung mabubuksan na ito, magiging malaking ginhawa para sa motorista na matagal na ring nakararanas ng problema sa trapiko sa Novaliches at North Caloocan.

Previous articlePAGSALUBONG SA PANIBAGONG TAON, ‘BAGONG BUHAY, MAKULAY AT MASAYA’
Next articleMASAYANG PASKONG PINOY