Home METRO Dagdag na MC taxi companies pinalagan ng operator groups

Dagdag na MC taxi companies pinalagan ng operator groups

(c) Danny Querubin/Remate News Central

MANILA, Philippines – NAGHAIN ng isang petisyon ang ilang lehitimong mga operator ng mga pampasaherong Jeepney at UV Express sa Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) upang hilingin nila sa Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO), at Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB), na itigil ang pagpapalawak ng mga Motorcycle (MC) Taxi at pagpigil sa mas marami pang kompanya na papasok dito.

Sa ginanap na pulong balitaan, sinabi ni Raphael “Alpha” Martinez, Presidente ng mga samahan ng mga operator ng mga UV Express, ang desisyon na maghain sila ng petisyon ay bunsod ng patuloy pagpapalawak ng MC Taxi Pilot Study sa mga bagong lugar, kasabay ng karagdagang mga kumpanya ng MC Taxi sa merkado kung saan kinumpirma umano ito ng Technical Working Group (TWG) sa isang public hearing nitong Disyembre 2023.

Ayon sa TWG, magdadagdag umano ng pitong kumpanya at magpapalawak sa mas marami pang areas.

“Hindi tayo tutol sa inobasyon o sa ebolusyon ng pampublikong transportasyon. Ngunit, matibay tayong naniniwala na ang anumang pagbabago ay dapat responsable, nakabatay sa datos, at isinasaalang-alang ang lahat ng stakeholder,” ani Martinez.

“Tapusin po muna natin ang pag-aaral na ito, at ilapat ang lahat ng natutunan, bago pa man tayo mag-expand sa ibang areas at magdagdag ng mga MC Taxis. Ang kasalukuyang MC Taxi Pilot Study, na ngayon ay nasa ika-limang taon na, ay nilayon upang iregula at suriin ang bisa ng mga MC Taxi bilang isang opsyon sa pampublikong transportasyon. Ngunit narito tayo ngayon, walang datos, walang findings, at sa halip na tapusin ang pag-aaral ay ngayoý nagbabadya pang banta sa ating komunidad,” dagdag pa ni Martinez.

Ayon kay Martinez, ang paglobo ng bilang ng mga MC Taxi sa kanilang mga ruta ay malaki ang naging epekto sa kanilang araw-araw na kita kaya’t isa umano ito sa sitwasyon na lalo pang magpapalala sa karagdagang pagpapalawak ng MC Taxi Pilot Study.

“Kaya naman ito ay hindi lamang tungkol sa kompetisyon, ito ay tungkol sa kaligtasan ng aming sektor na naglilingkod sa ating mga komyuter sa loob ng maraming henerasyon,” ayon pa kay Martinez.

Panawagan naman ni Martinez na tapusin na muna ang isinasagawang MC Taxi Pilot Study at ilabas ang resulta sa ginawang pag-aaral bago magpapasok ng bagong kompanya ng mga MC Taxi.

“Nandito tayo ngayon upang ipahayag na kami ay opisyal na maghahain ng isang petisyon para sa isang injunction, status quo order, at TRO, upang bigyan tayong lahat ng sandali upang huminga, suriin, at planuhin ang isang kurso na hindi lamang para sa iilan, kundi para sa lahat ng mga Pilipino,” pagtatapos ni Martinez. JR Reyes

Previous articlePulis sa checkpoint sa Cavite, patay sa araro ng senglot
Next articleCash aid scam bubusisiin ng DSWD