Home NATIONWIDE Dagdag na supplementary allowance, benepisyo sa manggagawa, hirit sa employer

Dagdag na supplementary allowance, benepisyo sa manggagawa, hirit sa employer

MANILA, Philippines – Umapela si Senador Grace Poe sa employer na magbigay ng hiwalay na allowance at benepisyo sa kanilang manggagawa upang makatulong na matugunan ang tumataas na halaga ng pangunahing bilihin at fuel products.

Sa pahayag, sinabi ni Poe na malaki ang maitutulong nito sa manggagawa sa harap nang pagkakaapruba sa ikatlo at huling pagbasa ang P100 wage hike bill.

“Hiniling natin sa employer na may kakayanan na magbigay ng supplementary allowances o benepisyo sa kanilang empleyado,” ayon kay Poe, co-author ng bill.

“Tiniyak ko na makakahanap ng pamamaraan ang mga negosyong tunay na nagmalalasakit sa kanilang manggagawa na maisagawa ang kinakailangang adjustments,” dagdag ni Poe.

Mabibiyayaan ang panukalang dagdag na sahod sa manggagawa sa pribadong sektor.

Iginiit ni Poe na mahigit 35 taon nang magkakaroon ng huling legislated national wage hike ang Pilipinas.

Noong 1989, inatasan ng Wage Rationalization Act ang ₱25 hike mula sa national minimum wage na ₱64.

“Bagama’t may significant na pagtaas na ang minimum wage simula noon. Hirap maramdaman ito ng ating mga kababayan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” ayon kay Poe.

“Para sa karamihan, kahit anong sipag at diskarte ay talagang di pa rin sapat,” giit pa niya.

Binanggit din ni Poe ang pag-aaral ng IBON nitong Enero 2024 na nagsasabing kailangan ng pamilyang may limang anak sa Metro Manila ng halagang ₱1,193 kada araw o ₱25,946 a kada buwan upang mabuhay nang disente.

“However, the existing minimum wage in the region is still pegged at ₱610 – o kalahati lamang ng wage standard,” giit ni Poe.

“Ano bang mabibili natin sa ₱610? Considering the food threshold, a family of five will need around ₱300 daily to meet the minimum basic food needs,” aniya pa.

Natitira sa kanilang sahod ang halagang P310 na pambayad sa pangunahing pangangailangan bukod sa pagkain tulad ng pananamit, bahay, kuryente, tubig, medical care, edukasyon, transportasyon at komunikasyon, at operasyon sa bahay at personal care na sinasabi ni Poe na hindi nakasasapat.

Bilang pagtugon sa naturang alalahanin na magkaroon ng malaking epekto sa maliliit na negosyo, iginiit ni Poe ang intensiyon ng panukala na igalang ang exemption sa wage increase na nakatakda sa Republic Act Nos. 6272 o ang Wage Rationalization Act at 9178 o ang Barangay Micro Business Enterprises Act.

Sakop ng batas ang negosyo na mayroong hindi hihigit sa 10 empleyado at kapitalisasyon na hindi lalampas sa P3 milyon.

Magandang isulong ang panukala na magbibigay ng disenteng sahod sa masisipag na manggagawa na maranasan ng kanilang pamilya ang iginagalang na pamantayan sa pamumuhay, ayon kay Poe.

“In the end, the labor sector is the backbone of our economy. Pagtulung-tulungan nating mabigyan ang ating mga manggagawa ng disenteng buhay ang kanilang pamilya,” ani Poe. Ernie Reyes

Previous articleTibo binaril ng karibal
Next articlePCCI sa Kongreso: Wage boards pagdesisyunin sa wage hikes