MANILA, Philippines – Sa nakatakdang deliberasyon ng House of Representatives sa panukalang ₱5.768-trillion budget para sa 2024, humirit ang isang grupo ng mga guro sa mga mambabatas na maglaan ng karagdagang pondo para sa pagkuha ng mga guro at pagpapatayo ng mas maraming silid-aralan.
Sinabi ni Benjo Basas, pambansang tagapangulo ng Teachers’ Dignity Coalition, na dapat unahin ang pagpapabuti ng sitwasyon sa silid-aralan kaysa sa mga gastusin na nangangailangan ng kumpidensyal na pondo.
“Hindi trabaho ng DepEd (Department of Education) ang intelligence gathering. Ibigay natin ito sa mga ahensya na may mandato ng intelligence gathering. Mahirap i-justify ang confidential at intelligence funds habang mayroon tayong problema sa basic education,” aniya.
Binatikos si Vice President Sara Duterte, ang concurrent secretary ng DepEd, sa paghiling ng malaking confidential funds para sa susunod na taon.
Ang Office of the Vice President ay naghahanap ng ₱500 milyon bilang confidential fund habang ang Department of Education ay humingi ng ₱150 milyon mula sa Kongreso.
Batay sa panukala nitong 2024 budget, layunin ng DepEd na makapagtayo ng 7,879 bagong silid-aralan sa halagang ₱19.7 bilyon. Target din nitong ayusin ang 10,050 silid-aralan sa halagang ₱6.5 bilyon.
Nauna nang sinabi ni DepEd Undersecretary Michael Poa na kulang sa 165,000 classrooms ang bansa, base sa National School Building Inventory.
Naglaan ang DepEd ng ₱5.7 bilyon para sa pagkuha ng 20,000 bagong guro sa susunod na taon. Tutugon lamang ito sa halos 22% ng tinatayang kakulangan ng 89,000 guro sa elementarya at sekondaryang antas, ayon sa ahensya.
Ang mga debate sa plenaryo sa 2024 General AppropriatBasions Bill ay magsisimula sa House of Represenatives sa Martes. RNT