
Naghain si Senador Robin Padilla ng Senate Bill 2215 na magdadagdag ng Shariah Judicial District, district court stations, at circuit courts upang tiyakin na makakamtan ang mabilis na hustisya para sa Pilipinong Muslim.
Aamyendahan ng panukalang batas ang Presidential Decree 1083, base sa pagtiyak ng 1987 Constitution sa pagrespeto at pagprotekta sa karapatan ng mga indigenous cultural communities at pag-ingatan ang kanilang kultura, tradisyon at institusyon.
“This is to ensure that our Muslim brothers and sisters across the archipelago will have better access to the specialized knowledge and expertise of Shari’a judges, promoting fair and equal treatment of Muslims under the law, regardless of their geographic location,” ani Padilla.
Sa ilalim ng SB 2215, magkakaroon ng tatlong dagdag na Shari’a districts – ang sixth district para sa Bukidnon, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Camiguin, Cagayan de Oro City at probinsya sa Regions XI and XIII; ang seventh district para sa probinsya sa Regions VI, VII, VIII at Mimaropa; at ang eighth district para sa probinsya sa Metro Manila, Cordillera, at Regions I, II, III, IV-A, and V. Bukod ito sa limang umiiral na distrito sa Sulu; Tawi-Tawi; Basilan, Zamboanga del Norte at Zamboanga del Sur at Dipolog, Pagadian and Zamboanga Cities; Lanao del Norte, Lanao del Sur at Iligan at Marawi Cities; at Maguindanao, North Cotabato, Sultan Kudarat at Cotabato City.
Ayon din sa panukalang batas, magkakaroon ng permanent stations para sa tatlong bagong distrito sa Davao City (sixth district); Cebu City (seventh district); at Manila City (eighth district). Ang mga umiiral na permanent stations ay sa Jolo, Sulu; Bongao, Tawi-Tawi; Zamboanga City; Marawi City; at Cotabato City.
Samantala, magkakaroon ng dagdag na Shari’a Circuit Courts sa:
* Lima para sa Bukidnon, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Camiguin, Cagayan de Oro City at probinsya sa Regions XI and XIII;
* Dalawa para sa probinsya sa Regions VI, VII, VIII at Mimaropa;
* Apat para sa probinsya sa Metro Manila, Cordillera, at Regions I, II, III, IV-A, at V. Ernie Reyes