Home TOP STORIES Dagdag-suportang kabuhayan, edukasyon sa 4Ps beneficiaries hirit ng solon

Dagdag-suportang kabuhayan, edukasyon sa 4Ps beneficiaries hirit ng solon

ISINULONG ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee ang pagpasa ng panukalang magpapatibay sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Law upang mas lalo pang malabanan ang kahirapan.

Ayon kay Lee, na siyang pangunahing may-akda ng “Expanded Pantawid Pamilyang Pilipino Program Act,” sa pagdinig ng House Committee on Poverty Alleviation noong Pebrero 7, na panahon na para amyendahan ang Republic Act No. 11310 o “An Act Institutionalizing the 4Ps” upang magbigay ng mga pagkakataon sa mga miyembro ng pamilya na nasa hustong gulang sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanilang edukasyon, pamumuhunan at mga pagsasanay sa pagtatrabaho.

“Anchored in the principle of investing in human development, we want to address poverty by opening opportunities for 4Ps adult beneficiaries to capacitate them to provide for their families after the 7-year maximum period that the program is allowed to support them,” giit ng solon na nagmula sa Sorsogon.

“Adults must not be forgotten or neglected just for the mere reason that they are already working. We can still help them and give them opportunities to make their lives better,” dagdag pa ni Lee.

Sa ilalim ng panukalang ito na inaprubahan ng Committee on Poverty Alleviation, ang mga interbensyon upang tulungan ang mga benepisyaryo ng nasa hustong gulang ng 4Ps ay dapat magkaroon ng tatlong track, katulad ng: Entrepreneurship Track; Employment Track; at ang Alternative Learning System (ALS) Track.

Hindi bababa sa isang nasa hustong gulang na benepisyaryo ang dapat sumali at kumpletuhin ang alinman sa mga nasabing track. Ang mga indibidwal na kwalipikadong benepisyaryo na matagumpay na nakumpleto ang Entrepreneurship Track ay bibigyan ng tulong ng Department of Trade and Industry (DTI) upang matiyak na mapadali ang pagsisimula nito ng isang micro o maliit na negosyo at maiugnay ito sa isang target na kliyente.

Ang mga makatapos ng Employment Track ay bibigyan ng job facilitation assistance ng Department of Labor and Employment (DOLE), habang ang mga nakatapos ng non-formal education gamit ang ALS Track ng Department of Education (DepEd) hanggang sa makatapos sila ng Senior High School ay dapat mabigyan ng tulong upang matiyak ang kanilang paghahanap ng mas mataas na pag-aaral o trabaho.

“Mas makakamit ang layunin ng programa kung nabibigyang lakas at kakayahan din ang iba pang miyembro ng 4Ps families na mapaunlad ang sarili at pamilya. Sa pag-asenso nila, mas makakaambag sila sa komunidad at sa buong bansa. Winner Tayo Lahat,” ani Lee.

Sa ilalim ng umiiral na batas, ang 4Ps ay nagbibigay ng conditional cash grants sa mga kwalipikadong mahihirap na pamilya upang mapabuti ang kanilang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng kanilang mga anak na may edad 0-18.

Noong Setyembre 30, 2022, ang 4Ps ay sumasaklaw sa kabuuang 4,285,531 na benepisyaryo ng sambahayan sa 41,676 na barangay sa bansa, na ang malaking bilang ay mga manggagawang pang-agrikultura.

Ang halagang kailangan para maisakatuparan ang mga probisyon nitong iminungkahing mga pagbabago sa RA 10310 ay kukunin mula sa General Appropriations Act (GAA). RNT

Previous articleKarpintero, tanod timbog sa boga, droga sa Bulacan
Next articlePagbili ng Japan-made vehicles para sa military use pinag-aaralan ni PBBM