Home OPINION DAGDAGAN TRAINING NG MOTORCYCLE RIDERS 

DAGDAGAN TRAINING NG MOTORCYCLE RIDERS 

NAKABABAHALA ang sunod-sunod na sakuna na kinasasangkutan ng mga motorista partikular ang mga motorcycle rider. Nauumay na tayo sa paulit-ulit na pagsusuri sa  datos ng aksidente sa daan at impormasyong ibinabahagi ng pamahalaan. Gayunpaman, hindi pa rin tayo susuko sa pagmamalasakit at pagbibigay ng abiso sa mga motorista lalo na sa mga nakamotor.

Bago tumaas ang kilay ng ating mga kababayang nagmomotor, rider din ang inyong lingkod pero sumusunod tayo sa mga patakaran na pinaiiral ng Land Transportation Office na nakabase sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code.

Lagi kong binabanggit sa nakaraan nating mga kolum ang mga pag-iingat. Dahil ang aksidente ay may pinagmumulan at hindi ito basta basta nangyayari kung walang mali sa simula pa lamang ng anomang aktibidades. Pahinga muna tayo sa pagsesermon sa mga de-kotse at iba pang 4-wheels, may araw din kayo, he-he-he, dyok lang.

Maliban sa mga nahuhuling violator sa EDSA bus carousel, alam ba ninyo dear readers na talamak na ang nagyayaring pang-aabuso sa daan ng ilang mga riders lalo na riyan sa parte ng MARILAQUE Highway? Madalas na nangyayari ang aksidente rito dahil sa mga rider na nangangarera sa daang ipinagawa para sa mga taga-Marikina, Rizal, Laguna at Quezon province.

Aba-aba, nakakagulat na ipino-post pa ng mga rider sa social media ang kanilang kabulastugan na para bagang nagpo-promote pa na sumuway sa batas trapiko.

Ano ba ang aasahan natin kung nangangarera ka sa isang pampublikong daanan? Eh, ‘di siyempre, siguradong hahaba ang listahan ng iyong traffic violation. Iyan ay kung mahuhuli sila ng mga awtoridad. Malas nila kapag hindi sila nabigyan ng parusa ng mga pulis, dahil siguradong uulitin nila ang masamang gawain na ito na hahantong sa seryosong injury, property damage o kamatayan.

Kailangang dagdagan pa ang training para sa mga rider na kumukuha ng lisensiya para mas lalo nilang maintindihan ang kanilang obligasyon tulad nang pagsunod sa batas trapiko, pagbibigay ng respeto sa ibang motorista at mga taong dumadaan sa kalye.

Previous articleSnooky, naka-scoop kay Oro!
Next articleUNTI-UNTING NAUUBUSAN NG KAALYADO SI DUTERTE