CAMARINES SUR- Pisak ang isang dalagang Criminology student matapos magulungan ng pampasaherong bus makaraan mahulog ito sa sinasakyang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Ragay, Camarines Sur.
Kinilala ang biktimang si Arabela Cuenca, 18-anyos, Sipocot, Camarines Sur at residente ng Tagkawayan, Quezon.
Hawak naman ng pulisya ang suspek at driver ng bus na kinilalang si Aurelio Cantor, residente ng Goa, Camarines Sur.
Ayon kay PSSgt Jijimon Salamanque imbestigador Ragay Municipal Police Station, dakong 6:00 PM ng maganap ang insidente sa kalsadang sakop ng kalsada ng Barangay Agrupacion, ng nasabing bayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, angkas ang biktima ng motorsiklo na minamaneho ng kaklase nitong si Johnwell Matias nang mahulog ito pagdating sa malubak na kalsada sa naturang barangay.
Kasunod naman ng motorsiklo ang bus at nagulungan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Kasalukuyan naman nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. Mary Anne Sapico