
HUWAG muna magtaas ng kilay. Basahin muna ang kolum na ito.
Dalawang “multo” ang magkasunod na lumutang sa Office of the Ombudsman sa Quezon City sa magkahiwalay na insidente sa nakaraang dalawang buwan. Naunang nagtungo ang lalaki upang magsumbong at magsampa ng kaso habang sumunod naman ang babae.
Hindi na raw nakayanan ang bigat sa dibdib na idinulot nang nadiskubreng problema kaya dumulog na sina Hermilando Compendio at Arjean Gavida Abe sa kinauukulan.
Ang paglutang ng dalawa sa Ombudsman ay may kinalaman sa paggamit sa kanilang pangalan bilang mga “multong’ kawani” o ‘ghost employees’ ng Pamahalaang Barangay ng Kaligayahan, QC.
Bitbit ang mga nakalap na dokumento at iba pang ebidensya, nagsadya noong Agosto 8, 2023 si Compendio sa Ombudsman para isuplong ang mga taong yumurak sa kanyang katauhan.
Sa apat na pahinang salaysay, sinabi ni Compendio na sa Personnel Schedule ng barangay kaligayahan, ginamit ang kanyang pangalan upang sila’y makasingil ng P179,118 para sa taong 2023.
Si Chairman Alfredo Roxas, Brgy secretary Marpha de Jesus at Treasurer Hersiree Santiago ay may pananagutan dahil sila ang mga signatory sa papeles na naging daan para mailabas ang naturang salapi ng barangay.
Si Roxas, De jesus at Santiago ay sinampahan ni Compendio ng paglabag sa Republic Act 2013 o Anti-Graft Law dahil sa salang Falsification of Documents, panlilinlang at pandaraya sa kaban ng bayan.
Noong Setyembre 11, 2023 ay dumulog naman si Abe sa Ombudsman para ireklamo ang mga opisyal ng Barangay kaligayahan na gumamit din sa kanyang pangalan para makapagnakaw ng pampublikong pondo.
Sa mga hawak na ebidensya, sinabi ni Abe na sa pamamagitan nang paggamit sa pangalan bilang multong’ kawani o ghost employee ay tumanggap ng suweldo sa petsang Mayo 1 – 31, 2023 na isang kasinungalingan.
Dahil signatories din sa mga dokumento, sina Roxas, Santiago at Kagawad Arnel Gabito na chairman ng Committee on Appropriation ng Barangay ay sinampahan ni Abe ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Kaya dumulog sina Compendio at Abe sa Ombudsman ay para panagutin ang mga taong gobyerno na gumamit sa kanilang pangalan kaya sila’y naging mga multong kawani. Iyon lang ang dahilan at wala nang iba pa.