Home OPINION DAPAT MANAGOT, PARUSAHAN

DAPAT MANAGOT, PARUSAHAN

DALAWANG  pulis ang nagbarilan sa Taguig City, dahil umano sa lutong ulam.  Sa Imus, Cavite naman, anim na pulis ang sibak sa pwesto, arestado at nadisarmahan dahil sa pagpupumilit na pasukin at halughugin ang isang bahay ng walang search warrant.   Sa Navotas naman, siyam na pulis ang inireklamo dahil sa pamamaril at pagkapaslang sa isang 17-anyos na lalaki.   Kalaunan, nabisto na mistaken identity ang pagkapatay.

Tatlong kaso ng pumalpak ang mga pulis natin.   Sabi tuloy ng ibang netizen, ang ibig sabihin ngayon ng PNP ay Patayan Nang Patayan.  Utak-berdugo raw ang mga pulis natin.   At sila raw ang mistulang mga terorista ngayon.

Alam ko naman na ito ay hindi totoo sa pangkalahatan ng buong hanay ng PNP o Philippine National Police.   Pwede rin naman sabihin ng mga lider natin na hindi nila kinukunsinti ang mga baluktot na gawi ng mga nasa gobyerno tulad ng mga ito.  At ang mabilis at bukas na pagbabalita sa mga insidenteng ito ay patunay  na walang itinatago ang mga awtoridad.

Hindi naman talaga matatawaran ang paninilbihan ng mga pulis.   At marami rin namang halimbawa ng mga kabayanihan at mabubuting-asal na ipinagmamalaki natin.   Nandyan nga ang taunang pagbibigay ng gantimpala sa Ten Outstanding Policemen in Service o TOPS na iginagawad ng foundation ng isang malaking bangko.

Pero nang sunod-sunod na pumutok ang balita ng mga krimen ng tatlong kaso, hindi lang ako nalungkot, galit na galit din ang kalooban at labis na pagkadismaya.

Sinisira kasi ng mga bugok na pulis na ito ang pinaghirapang kredibilidad at marangal na serbisyo na inilatag ng mga naunang henerasyon ng mga pulis.   At lalo pang bumababa at pumapangit ang pananaw sa kanila ng publiko.   Tumitibay tuloy ang maling pananaw na halos wala nang pinag-kaiba ang mga kriminal at pulis ngayon.

Alam na alam ng Department of Interior and Local Government at National Police Commission kung ano ang nararapat nilang gawin.

Dapat nilang siguruhin sa publiko na nananatiling tapat sa serbisyo at huwaran ng isang mabuting mamamayan ang buong pulisya.

At maniniwala lamang ang mga ordinaryong tao kapag naparusahan ang mga dapat managot.

Previous articleBAKIT  NO. 1 SI  REP.  ERWIN TULFO?
Next articleSA KUKO NG DAMBUHALANG TSINA