MANILA, Philippines – Nagbabala si Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III nitong Biyernes, Hulyo 7 sa mga benepisyaryo ng agrarian reform na huwag ibenta ang kani-kanilang lupa, kasunod ng pagpirma sa New Agrarian Emancipation Act.
Sa pulong balitaan, iginiit ni Estrella na sa ilalim ng batas, bawal magbenta ng lupa ang mga benepisyaryo sa susunod na 10 taon.
“Unti-unti na namin na pinapayuhan ang ating mga agrarian reform beneficiaries na ayon sa batas, mayroon hong, kailangan naiabot sa kanila ang kanilang titulo, kailangan maghintay sila ng sampung taon bago nila maibenta ang lupa sa iba,” ani Estrella.
“Sapagkat kapag nalaman po ng Agrarian Reform [Department] na kanilang binenta ang lupa nila na hindi pa lumalagpas ng sampung taon ay babawiin po ng pamahalaan at ibibigay natin sa ibang beneficiary ang lupa po,” paliwanag pa niya.
Sa ilalim ng Republic Act. 11953, makikinabang ang nasa 610,054 na agrarian reform beneficiaries (ARBs) dahil kakalusin na nito ang nasa P57,557 bilyon na utang ng mga ito.
Nasa kabuuang 1,173,101.57 ektarya ng agrarian reform lands ang sinasaka ng mga benepisyaryo.
Sa speech kasabay ng pagpirma sa batas, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ito ang pangarap ng kanyang ama na si late President Ferdinand Marcos Sr.
“Let us work together to realize this dream — our dream, as it was my father’s dream — to give every Filipino farmer and his or her family, a life beyond mere survival; a life free from want, from hunger, or fear of the future; a life of dignity, abundance and prosperity,” anang Pangulo. RNT/JGC