Home OPINION DASAL AT PAGKILOS 

DASAL AT PAGKILOS 

NGAYONG panahon ng Kuwaresma, iniimbitahan tayo ng Simbahan na manalangin, mag-ayuno at magkawanggawa.  Pamilyar tayong mga Pilipino sa lungkot at seryosong tono ng pamumuhay habang papalapit sa Mahal na Araw, at kasama nga rito ang sakripisyo at pag-aalay ng sarili.
Sa ating mga Kristiyano, bahagi ito ng pagsasabuhay nang dinaanan na “Pasyon” o paghihirap hanggang kamatayan ni Kristo, para maisakatapuran ang “pagliligtas” sa atin.
Naisip ko lang na napakalaki talaga ng naging papel ng pananalangin at ng Simbahan sa mga makasaysayang ganap sa Pilipinas.
 Isinusulat ko itong kolumn na ito na padikit na ang anibersaryo ng People Power at sigurado ako na kakalibitin tayo ng mga ala-alang nagpaapoy sa mga Pilipino para ipagtanggol ang demokrasya.At kung paano nag-ambag ang panalangin at pananampalataya para sindihan ang siklab ng katapangan.
Noong 1986, nanawagan si Jaime Cardinal Sin sa taong bayan na lumabas sa EDSA para protektahan ang mga sundalong bumaliktad mula sa diktadurya ni Marcos.  At ang radyo ng simbahan na Radyo Veritas ay nagsilbing boses ng katotohanan sa mga araw na naganap ang People Power.
Mga madre, pari at relihiyso ang nasa harapan ng pulutong ng mga tao na magkapitbisig at kinukumbinsi ang mga sundalo na pare-parehong tayong mga Pilipino at hindi tayo ang mga magkakalaban.   Mga puting sotana at belo na nagrorosaryo at may dalang mga krus ang namumuno at sumasabay sa libo-libong tao na lumabas noon sa EDSA.
Matapos ang isang dekada o noong 1997 pinangunahan muli ni Cardinal Sin at noon ay dating Pangulong Cory Aquino ang isang napakalaking kilos-protesta sa Luneta, para pigilan ang tangkang pagbabago sa 1987 Contsitution o Charter change.
Ngayong 2024, parang umuulit na naman ang kasaysayan.   Nitong mga nakaraang linggo ay nagparamdam na namang muli ang Simbahan at iba-ibang  faith-based organizations ng kanilang pagkakaisa para tutulan ang People’s Initiative at Cha-Cha.  Hindi lang mga Katoliko kundi pati nga protestante at  evangelical groups.
Senyales kaya ito nang lumalalim at umiigting na pagkadismaya ng maraming Pilipino sa kahirapan, panlilinlang at katiwalian sa gobyerno.
Ang panalangin ko ay mas maraming Pilipino sana ang magising at mapukaw ang mga damdamin nila para ipaglaban mas magandang bukas.   Hindi lang para sa ngayon, kundi para na rin sa mga susunod na henerasyon na magmamana ng Pilipinas.
Previous article‘DI BALENG WA PERA, BASTA WA SAKIT!
Next articleDSWD KATUWANG NG MAGSASAKA LABAN SA EL NINO