Home NATIONWIDE Dating kagawian sa Traslacion target ibalik sa 2024

Dating kagawian sa Traslacion target ibalik sa 2024

MANILA, Philippines – Kinokonsidera ng Quiapo Church na ibalik ang mga dating gawi para sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno sa susunod na taon, sinabi ng isang opisyal ng simbahan.

Ayon kay Quiapo Church spokesperson Fr.Hans Magdurulang,kabilang rito ang pagkakahon sa image ng Black Nazarene sa glass case na aniya ay dating tradisyonal na kagawian ng Simbahan.

Sinabi ng pari na hindi ito malaking pagbabago kundi pagpapanumbalik upang ma-restore ang mga kagawian noon na paraan ng pagdiriwang ng Nazareno, ng Traslacion.

“Kung babalikan natin, may mga larawan din ‘yan. Kung tatanungin natin ‘yung mga senior devotees natin, maalala nila na noon po isinasagawa natin ang prusisyon ng Nazareno na nakikita ng maraming tao at ‘yung Nazareno lang ang nasa ibabaw,” sabi ni Magdurulang.

Una nang sinabi ng Quiapo church na plano ng bagong Traslacion committee na maglagay ng glass case sa palibot ng mahigit 400 taong gulang na imahe upang ito ay maprotektahan mula sa mga nagbabalak na humawak nito.

Ayon Kay Magdurulang na ang bagong Andas ay ipapakita sa lalong madaling panahon.

“’Yung salamin, ‘yun po ay isa sa mga magiging tulong natin para mapanatili natin ang imahen lamang ang makikita ng mga tao, ng mga deboto doon sa ibabaw ng Andas,” dagdag pa ni Magdurulang.

Huling isinagawa ang grand procession noong 2020 na umabot ng 16 oras na pinakamabilis na prusisyon ng imahe ng Itim na Nazareno .

Samantala, sinabi ni Magdurulang na ilang tradisyunal na kagawian ang magpapatuloy para sa pagdiriwang sa susunod na taon na kinabibilangan ng “Pahalik” (paghalik sa imahe ng Itim na Nazareno), pagpupunas ng tela at paghila ng imahe sa pamamagitan ng lubid sa Traslacion.

Hangad ng Quaipo church maging banal, ligtas at maayos ang pagdiriwang ng ating Nazareno. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous article17 Pinoy na nadakip ng Houti ‘di pa alam kung kailan palalayain
Next articleDavao City fire victims agad pinaayudahan ng DSWD chief