Home METRO Dating parak, patay sa pamamaril ng sinitang nakamotor

Dating parak, patay sa pamamaril ng sinitang nakamotor

MANILA, Philippines – PATAY ang 40-anyos na dating parak matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo sa Caloocan City.

Hindi na umabot nang buhay sa Caloocan Medical Center (MCM) ang biktimang si alyas “Christian”, dating nakatalaga sa Malabon Police Station at residente ng Zamora St. Brgy. 19 sanhi ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-4:20 ng madaling araw ng Sabado nang sitahin at hingin ng dating pulis ang lisensiya ng isa sa suspek na sakay ng Mio Motorcycle sa harap ng isang bahay-sanglaan sa A. Mabini St. Brgy. 15.

Habang tinatanong ng biktima ang suspek na nakilala sa pamamagitan ng drivers licence 27, residente ng MLQ St. Lower Bicutan, Taguig City, kung ano ang ginagawa nito sa Libis Nadurata St., biglang pinagbabaril ng kasama nito ang dating pulis.

Nakatawag pansin sa mga residente ang pangyayari kaya mabilis na tumakas patungo sa gawi ng 10th Avenue ang mga suspek at iniwan ang kanilang motorsiklo.

Ayon sa isang dating kasamahan sa serbisyo ni ‘Christian’, nasibak sa tungkulin ang biktima nang magpasiyang mag-AWOL (absent without official leave) matapos malagay ang kanyang pangalan sa tinutugis noon ng Counter Intelligence Task Force (CITF) na ngayon ay Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), sa kasagsagan ng “Oplan Tokhang”. Rene Manahan