Home METRO Dating police asset patay sa pamamaril sa Paranaque

Dating police asset patay sa pamamaril sa Paranaque

Paghihiganti ang tinitingnang anggulo ng pagpatay sa isang empleyado ng sanglaan makaraang pagbabarilin ng isa sa dalawang suspects na sakay ng motorsiklo dahil sa di-umanoý koneksyon ng biktima sa pagiging dating asset nito ng pulis sa Paranaque City Huwebes ng umaga, Marso 21.

Sa kuha ng CCTV footage na nakalap ng Paranaque City police ay makikita ang isang motorsiklo na sakay ang dalawang suspects at nagparada pa sa lugar ng mga tricycle kung saan bumaba ang angkas nito at naglakad patungo sa pawnshop na pinagtatrabahuhan ng biktima.

Makaraan ang ilang minuto ay makikitang muli ang angkas na suspect na tumatakbong pabalik sa naghihintay niyang kasamahan na nagmamaneho ng motorsiklo at sumakay ito bago humarurot ng takbo papatakas.

Sinabi ng ilang saksi na kabubukas pa lamang ng biktima sa kanyang pinagtatrabahuhang pawnshop at naglilinis sa harapan ng kanyang puwesto nang tambangan ng armadong suspect.

Dagdag pa ng isang saksi na nakarinig siya ng tatlong putok ng baril at sa kanyang paglingon ay nakita niya ang isang lalaking tumatakbo habang ang biktima ay nakahiga sa kalsada na duguan.

Ayon naman sa Paranaque police, kanilang tintingnan ang anggulong paghihiganti bilang posibleng motibo sa krimen dahil naging dating police asset ito na nakapagpakulong sa mga suspects na kanyang trinabaho sa operasyon.

Sa pagresponde ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ay narekober sa lugar ng pinagyarihan ng tatlong basyo ng bala na naiturnover naman sa Southern Police District (SPD) Forensic Unit para sumailaim sa analysis.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Paranaque City police kung saan may tinitingnan na silang posibleng person of interest para makapagsagawa ng hot pursuit operation laban sa dalawang suspects. (James I. Catapusan)

Previous articlePagadian Airport isang buwang isasara
Next articleNPA leader na suspek sa pagpatay sa 5 parak, aretado!