Home METRO Dating sundalo huli sa shabu

Dating sundalo huli sa shabu

CEBU CITY- Kulungan ang kinabagsakan ng  dating sundalo matapos mahulihan ng ₱6.8 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad noong Huwebes sa Mandaue City.

Kinilala ni Leia Alcantara, tagapagsalita ng Philippine Drug Enforcement Agency in Central Visayas (PDEA-7) ang nadakip na suspek na si Stanley Coca, 32, ng Barangay Adlaon, Cebu City.

Sa pinagsamang operasyon ng PDEA-7, Naval Forces Central Visayas (Navforcen), Mandaue City Police Office Station 1, Special Weapons and Tactics unit, at Mandaue City Intelligence Unit, bandang alas-2:40 ng hapon nang madakip ang suspek sa Realty Road, Barangay Mantuyong, ng nasabing lungsod.

Nakuha sa suspek ang 21 pakete na hinihinalang shabu na may bigat na isang kilo at may market value na P6,800,000.

Naniniwala ang pulisya na si Coca ay bagong kasapi ng newly identified drug group na nag-ooperate sa Metro Cebu.

Sinabi ni Alcantara na isinailalim sa tatlong linggong monitoring ang suspek hanggang sa magpositibo na nagbebenta ito ng iligal na droga na halos 500 gramo sa loob ng isang linggo.

Si Coca ay naging aktibo bilang sundalo limang taon na ang nakalipas at nag-absent without official leave (AWOL).

Nakakulong ngayon sa detention facility ng PDEA-7 ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa illegal drugs. Mary Anne Sapico

Previous articlePlano ng AFP na sanayin mga mangingisda bilang reservists, tablado sa fishers’ group
Next articleExemption ng OFWs sa CPD program, hirit ni Lapid sa Senado