Home NATIONWIDE Davao City fire victims tinulungan ni Bong Go

Davao City fire victims tinulungan ni Bong Go

MANILA, Philippines – Patuloy si Senador Christopher “Bong” Go sa kanyang pangako na tutulungan ang mga Pilipino sa oras ng pangangailangan matapos personal na bisitahin at ayudahan ang mga pamilyang nasunugan sa Barangay Kapitan Tomas Monteverde, Agdao, Davao City.

Sa relief effort sa mga apektadong pamilya na nasa barangay gymnasium, nagpahayag ng pakikiramay si Go sa mga naapektuhan ng sunog.

“Alam kong mahirap ang masunugan. Parang back to zero talaga. Pero tandaan natin magsumikap lang tayo. Ang pera kikitain natin, ang damit malalabhan at mabibili natin ‘yan. Pero ang perang kikitain hindi mabibili ang buhay. Ang nawalang buhay ay isang nawawalang buhay magpakailanman. Ang importante buhay tayo. Magtulungan lang tayong lahat. Nandito kami at ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno,” idiniin ni Go.

Kasama sina Konsehal Richlyn “Che-Che” Justol-Baguilod at Al Ryan Alejandre, at Kapitan Tomas Monteverde Barangay Captain Robert Diaz, bukod sa iba pa, nagbigay si Go ng mga grocery packs, lalagyan ng tubig, masks, bitamina, kamiseta, at meryenda sa 318 apektadong pamilya.

Namigay rin siya ng mga bisikleta, mobile phone, sapatos, relo, at bola para sa basketball at volleyball.

Nagbigay naman ang mga kinatawan ng Department of Health (DOH) ng hygiene kits, karagdagang masks, at bitamina.

Samantala, tinasa naman ng mga kinatawan mula sa National Housing Authority (NHA), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Trade and Industry (DTI) ang mga benepisyaryo na kuwalipikado sa kani-kanilang tulong sa pabahay at kabuhayan upang lubos silang makabangon.

Ipinaalala ni Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, sa mga kapwa Davaoeño na may mga medical assistance program sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa lungsod.

Sa ilalim ng RA 11463, na pangunahing iniakda at itinaguyod ni Go sa Senado, ang mga ospital na pinatatakbo ng DOH at iba pang pampublikong ospital ay mayroon nang sariling Malasakit Centers para makapagbigay ng mas mabilis at mas maginhawang access sa tulong medikal, partikular sa mga mahihirap na pasyente.

Nasa 159 na ang operational na Malasakit Centers sa bansa mula nang simulan ang programa noong 2018 at mahigit 10 milyong Pilipino na ang natutulungan nito.

“Mga kababayan ko, tandaan n’yo po, mahal na mahal ko po kayo. Minsan lang tayo dadaan sa mundong ito, kung anuman pong kabutihan o tulong na pwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik. sa mundong ito,” sabi ni Go.

“Ako ay patuloy na magseserbisyo sa inyong lahat dahil ako po ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo po ‘yan sa Diyos,” pagtatapos ng senador. RNT

Previous articleTolentino: DOST studies gamitin sa mga ahensya ng gobyerno
Next articlePilipinas mananatiling responsableng kapitbahay sa Indo-Pacific region – PBBM