MANILA, Philippines – Inalis sa puwesto ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang Acting Superintendent ng Davao Prison and Penal Farm bunsod ng pagtakas ng isang inmate.
Nagpasya si Catapang na tangalin si C/Supt. Rufino A. Martin, MBS, CMS lalo na at nabalam ang pagrireport sa insidente nang pagtakas ng PDL na si Jundee Caño, 38.
Magugunita na tumakas si Caño mula sa minimum security compound noong September 13, ngunit ang report ni Martin ay kaninang ala-una lamang ng hapon (Setyembre 19) natanggap ni Catapang.
Sa naturang report, si Caño ay muling nadakip sa hot pursuit operations noong September 17 sa tulong ng Damulog Municipal Police Station.
Nilinaw ni Catapang na ang mga katulad na insidente nang pagtakas ay dapat na agad inirereport sa kanyang tanggapan, at hindi aniya maaaring palampasin na lamang ang mga nababalam o pagtatago ng mga importanteng impormasyon. Teresa Tavares