Home METRO Dayuhan kinasuhan sa pagwasak ng kuweba sa Palawan

Dayuhan kinasuhan sa pagwasak ng kuweba sa Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan-NAHAHARAP ngayon sa kasong paglabag na may kinalaman sa pagsira sa ecosystem ang dayuhan at mga kasama nitong lokal partners developer dahil sa pagsira ng kuweba sa Coron, Palawan.

Ayon kay Jovic Fabello, tagapagsalita ng operational arm ng PCSD, sinampahan nila ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9072, o ang National Caves and Cave Resources Management and Protection Act nitong Oktubre 6, ang dayuhan na hindi pinangalanan at mga kasama nitong Filipino developer .

Paliwanag ni Fabello, walang kaukulang permit ang dayuhan para gawing tourism spot ang Pukaway Cave at ginawang underground eco-park.

Ang kuweba, na pinangalanang Pukaway, ay nasa loob ng mga lupaing ninuno ng katutubong pamayanan ng Tagbanua sa Coron Island, na matatagpuan sa tapat ng mainland na munisipalidad ng Coron kung saan makikita rin ang sikat na lawa ng Kayangan at Barracuda.

Sinabi ni Fabello na hindi kasama sa pagbabago sa loob ng kuweba ang paglalagay ng steel spiral staircase na nakakabit sa rock wall ng kweba at ang pagdaragdag ng asul at orange na ilaw.

Aniya, ang hindi awtorisadong pagbabago ay maaaring magkaroon ng masamang epekto sa maselang ecosystem ng kweba, makagambala sa tirahan ng mga katutubong komunidad, at posibleng makapinsala sa natural na kagandahan at kahalagahan ng kultura ng kuweba.

Dagdag pa ni Fabello na nagpadala na sila ng kautusan sa dayuhan na itigli ang ginawa sa loob ng kweba pero ipinagpatuloy pa rin nila ito.

Aniya, unang napapayag ng dayuhan ang mga miyembro ng komunidad ng Tagbanua na magtatag ng mga resort-style cabana sa kanilang lupang ninuno.

Gayunpaman, hindi kasama sa kasunduang ito, na inaprubahan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), ang pagpapaunlad ng nasabing kuweba.

Pinangangambahan rin ng PCSD ang pagtayo ng hagdanan sa loob lalo kapag high tide na posibleng ma-trap sa loob ang mga turista.

Ang Pukaway Cave ay nabibilang sa kategoryang Class II cave, na tumutukoy sa makabuluhang halaga nito sa geological, archaeological, kultural, historikal, at biyolohikal, pati na rin ang pagho-host nito ng mga de-kalidad na ecosystem. Higit pa rito, ang ilang mga seksyon sa loob ng kuweba ay nagdudulot ng mga potensyal na panganib sa kaligtasan./Mary Anne Sapico

Previous articleMas malalim na ugnayan sa Uganda, Sri Lanka pagtitibayin ni PBBM
Next articlePagtuldok sa rice price cap opisyal nang iniatas ni PBBM