Home NATIONWIDE DBM kinalampag sa pondo sa pag-iimprenta ng TESDA certificates sa nagtapos na...

DBM kinalampag sa pondo sa pag-iimprenta ng TESDA certificates sa nagtapos na SHS

MANILA, Philippines – Mistulang kinalampag ni Senador Alan Peter Cayetano ang Department of Budget and Management (DBM) na bigyan ng pondo ang Department of Education (DepEd) upang makapag-imprenta at makapagbigay ito ng certificate sa senior high school student na nakapagtapos ng technical-vocational courses at makahanap sila ng trabaho.

“Ang promise noon (g ginagawa pa lang ang K-12], the TESDA certification will be passed to the DepEd kasi DepEd doesn’t have the money to buy the equipment but TESDA does have that. And somehow hindi natupad,” wika ni Cayetano sa ikalawang briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) noong August 16 sa Senado para sa panukalang National Budget para sa 2024.

Giit ng senador, taun-taon naman ay nadadagdagan ng isang bilyong piso ang pondo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), kaya pwedeng maglaan din ng katulad na halaga sa DepEd.

“Siguro ngayong taon ilipat natin y’ung 1 bilyong pang-certification,” ani Cayetano sa DBCC at kapwa senador.

Sumang-ayon naman kay Cayetano sina Senator Win Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, at Senador Juan Edgardo Angara, chairperson ng Senate Committee on Finance.

Sinabi ni Angara na simula pa nang ipatupad ang K-12 curriculum ay walang pondong nailaan sa DepEd para sa certification ng vocational graduates.

“We gave our graduates that false promise that they will find work, but the truth is that they will not unless they have that certification,” wika niya.

Hinimok ni Cayetano ang DBM na taasan ang itinakda nitong limit para sa budget ng DepEd upang matugunan ito at iba pang mga pangangailangan sa sektor ng edukasyon. Tulad aniya ito ng taun-taong pagtaas ng budget cap para sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Kung tataasan lang din natin ang cap ng DPWH, taasan na rin natin ang cap ng DepEd,” ani Cayetano sa DBCC.

Nangako si Cayetano na muli niyang tatalakayin ang isyu sa susunod na pagdinig ng national budget kasama ang DepEd. Ernie Reyes

Previous articlePBBM inimbitahan na bumisita sa Peru – Palasyo
Next articlePagtataas sa limitasyon ng poll expenditures suportado ng Comelec