De-gulong na COVID-19 test center, iikot sa QC

De-gulong na COVID-19 test center, iikot sa QC

June 29, 2020 @ 4:33 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  
Share

Manila, Philippines – Aarangkada na ngayon araw sa  iba’t ibang lugar ng Quezon City ang kauna-unahang mobile testing unit sa Pilipinas matapos na pasinayaan kanina mismo ni QC Mayor Joy Belmonte  ito sa isinagawang simpleng seremonya sa  QC hall grounds.

Ayon kay Belmonte, target na uunahing serbisyuhan ng mobile testing unit ang malalayong lugar na mahirap makapunta sa itinalagang testing center at sa mga residenteng naninirahan sa lockdown areas.

Aniya, inaasahan niya na magkaroon ng mobile testing unit sa lahat ng distrito sa lunsod upang higit na mapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga taga-QC.

Napag-alaman na katulong ng lokal na pamahalaan ang Philippine Chamber of Commerce sa pagkakaroon ng mobile testing unit kung saan libreng pinagkakaloob ng lokal na pamahalaan ang serbisyo ng mobile testing unit na pangangasiwaan ng mga tauhan ng QC health office.

Sinabi din ni Belmonte na bukod sa serbisyong ipagkakaloob ng mobile testing unit ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng mass testing sa bawat distrito sa QC habang tuloy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng ayudang pagkain na pinagkakaloob ng lokal na pamahalaan laluna sa mga lockdown areas sa QC.

Samantala nakatakda naman magsagawa ng rapid mass testing ang QC goverment sa lahat ng empleyado ng City Hall.  Jan Sino Cruz

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Loading...