MANILA, Philippines- Malaki ang posibilidad na tuluyang maabswelto sa kasong ilegal na droga si Senador Leila de Lima.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kung babasahin ang resolusyon ni Muntinlupa RTC Branch 206 Judge Gener Gito, isang ‘strong statement’ ang sinabi nito na nabigo ang prosekusyon na maglabas ng malakas na pruweba upang manatili sa piitan si De Lima.
Ipinagkaloob ni Gito ang mosyon ni De Lima na makapagpiyansa sa huling drug case nito dahil nabigo aniya ang prosekusyon na maglabas ng ebidensya upang maipakita ang ‘guilt’ ni De Lima.
Kung tutuusin aniya ay non-bailable ang kasong kinahaharap ni De Lima ngunit pinayagan itong magpiyansa kung kaya tiyak na nasa panig nito ang momentum.
Muling iginiit ng kalihim na ipauubaya niya sa prosekusyon kung ano ang mga susunod na hakbang.
Si De Lima ay ikinulong noong 2017 dahil sa pagkamal umano ng salapi mula sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison noong ito ay justice secretary. Teresa Tavares