Home HOME BANNER STORY Deadline sa franchise consolidation, ‘di na palalawigin

Deadline sa franchise consolidation, ‘di na palalawigin

MANILA, Philippines – Muling iginiit ng Department of Transportation nitong Linggo, Disyembre 31 na wala nang magiging extension sa December 31 deadline ng consolidation ng public utility jeepneys.

Noong nakaraang linggo, naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng memorandum na nagsasabing ang mga traditional jeepney na bigong makapag-consolidate ng kanilang prangkisa ay papayagan pa ring makabiyahe hanggang Enero 31, 2024 sa mga ruta na mas mababa sa 60% ang nakapag-consolidate na.

Sa kabila nito, nilinaw ni DOTr Office of Transportation Cooperatives chairman Andy Ortega na ang bagong memo ay hindi extension ng December 31 consolidation deadline.

“During that period sila ay bibigyan ng due process para mag-show cause para malaman ano nangyari, then magkakadeisisyon ang LTFRB,” ani Ortega.

Iniulat ng opisyal na halos lahat ng jeepney sa “major routes” sa Metro Manila ay nakapagconsolidate na.

“Yung mga major na ruta sa Metro Manila, yung mga mahahaba 15 to 20 kilometers eh almost all consolidated na yun. Yung mga hindi nagco-consolidate ito yung mga minor route,” aniya.

Samantala, sinabi ng Transport group Piston nitong Linggo na umaasa pa rin silang babawiin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang deadline.

“[Inaasahan] natin kay BBM na sana baliktarin niya ang kaniyang desisyon na wala nang extension ng mga consolidation,” pagbabahagi ni Piston president Mody Floranda sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.

Sa ilalim ng PUV modernization program, obligado ang mga jeepney operator na pag-isahin ang kanilang mga individual franchises sa single franchise sa ilalim ng kooperatiba o korporasyon hanggang Disyembre 31, 2023.

Kung hindi makakapag-consolidate ay babawiin ang kanilang prangkisa.

Ipinaalala ni Floranda kay Marcos na sa kanyang pangako noong kampanya, sinabi niya na “no one will be left behind,” sa kanyang tagline na “Sama Sama Tayong Babangon Muli.”

“Tayo po ay nananawagan sa administrasyon ni BBM na patunayan niya na walang iwanan batay sa kaniyang kampanya. Sabi niya hindi sya papayag na mawala ang ating tradisyunal na jeepney at maraming mga drayber at operator ang umasa sa pangako ni BBM,” ani Floranda.

“Kapag hindi na talaga tayo pinayagan makapag-renew ng ating prangkisa ay talagang dito natin dadanasin yung transport crisis at pagbulusok ng ekonomiya,” dagdag pa niya.

Duda rin siya sa sinasabi ng pamahalaan na nasa 70% ng jeepneys ang nakapagconsolidate na.

“Batay sa ating pag-aano majority pa rin hindi talaga pumasok sa consolidation sapagkat hindi talaga kaya. Hindi natin makita yung sinasabi nilang 70 percent na ang nag-comply sa modernization program,” sinabi pa ni Floranda. RNT/JGC

Previous articleKathryn, target ni Cedric!
Next article4-anyos na bata naputulan ng daliri sa paputok