MANILA, Philippines – Plano ni Senador Robin Padilla na maghain ng panukalang maglalayong magpataw ng death penalty sa mga opisyal ng Bureau of Customs na mapapag-alamang nakikipagsabwatan sa mga smuggler.
Sa Senate inquiry kaugnay sa talamak na agricultural smuggling, naghimutok si Padilla kung paanong ang mga tauhan mismo ang nakikipagsabwatan sa mga suspek para maisagawa ang naturang krimen.
Binanggit ng senador ang mga nagdaang pagdinig sa Senado kung saan nalaman niya na ilan sa mga dating sundalo at pulis ay sangkot sa “gun-for-hire” at ang iba ay sangkot din sa illegal na droga.
“Ngayon, hearing na naman namin patungkol sa smuggling… Napakasakit pong isipin, nauwi na tayo sa panahon na ang mga suspects natin at ang mga salarin ay ang nasa law enforcement,” ani Padilla.
“Law enforcement kayo. Pinamumugaran tayo ng smuggling. Sa tingin niyo ba masaya ako na life imprisonment lang kayo? Magbibigay ako ng panukalang batas na kayo diyan sa BOC na kapag kayo napatunayang involved sa smuggling, dapat kamatayan din kayo,” dagdag pa niya.
Ipinunto ni Padilla kung paano pinapatay ng smuggling ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at kahiya-hiya ito para sa bansa na isang agricultural country pero umaasa sa importation.
“Kaya po sana ang hiling ko po sa ating committee ng agrikultura, dito po sa panahon namin, kung hindi man namin kayang talusin itong smuggling sana po mabawasan, dahil ang tinitingnan po natin dito ay ang mga magsasaka nating kababayan,” aniya.
Nauna nang naghain ng panukala si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na panagutin ang mga opisyal ng gobyerno maging ang mga empleyado na mapapag-alaman na nakikipagsabwatan sa agricultural smugglers at maaaring mapatawan ng habambuhay na pagkakulong.
Nang tanungin naman kung saang lebel na ang kaugnayan ng BOC sa smuggling, sinabi ni Customs Assistant Commissioner Vincent Maronilla na halos karamihan na ng mga pantalan ay apektado na.
“Kung meron po dito sa amin, magsisimula po talaga ‘yan sa mga puwerto namin. Doon ho kasi pinproseso ang mga shipments na ‘yan,” ani Maronilla.
“Kung meron mang kamalian ang mga abogado namin, mga tao namin dito at napatunayan po, hindi po mag-aatubili ang commissioner of Customs na panagutin ang mga taong ito,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Maronilla na nakipag-usap na si
Customs Commissioner Bienvenido Rubio kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kaugnay sa mga butas sa operasyon na dahilan para hindi mabilis na naparurusahan ang mga smuggler. RNT/JGC