Home OPINION DEBOSYON SA POONG NAZARENO (Part 2)

DEBOSYON SA POONG NAZARENO (Part 2)

Noong taong 2012, 2017 at 2019 ay inabot ng 22 oras bago na­kabalik ang imahen sa loob ng Simbahan. Umabot naman sa higit kumulang 22 million ang dumalo sa lahat ng aktibidad sa kapistahan ng Itim na Nazareno noong January 2020 o dalawang buwan bago tumama ang COVID-19 pandemic.

Matapos ang tatlong taon, ngayong taon lamang muling nagkaroon ng traslacion kaya inaasahan na baka mahigitan ang bilang ng mga dumalo na naitala noong taong 2020.

Minsan ng sinabi ni Cardinal Luis Antonio Tagle na tanging isang deboto lamang ang makaiintindi sa katanungan kung bakit milyong-milyong tao ang tinitiis ang matinding pagod, gutom at uhaw para lamang makabahagi sa mga aktibidad ng kapistahan ng Poong Nazareno.

Hindi lahat ng nagpupunta sa Traslacion ay deboto, mayroon ding mga panatiko, pero higit na nakararami ang may malalim na debosyon sa imahen. Palaging panawagan ng Simbahan ay isabuhay ang pagmamahal, awa, at habag ng Panginoong He­sukristo sa bawat araw. Ang kaibahan ng isang deboto sa panatiko, humihinto sa pagdalo sa mga aktibidad ng Simbahan ang huli kapag hindi nakukuha ang kanyang kahilingan, habang lumalalim ang pananalig ng isang deboto, makuha man ang kahilingan o hindi.

Pinapayagan ng pamunuan ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang malaganap na debosyon sa Poong Nazareno dahil ito ay nagdudulot sa isang mananampalataya na higit na makilala at mapalapit sa Diyos na kanyang sinasamba. Nagtutulak sa kanya ito para maging mabuting tao at gumawa ng kabutihan sa kapwa.
Hindi maaaring pigilan ng Simbahan ang pamamaraan ng maraming mananampalataya na ang kahilingan para sa pagga­ling ng may sakit na magulang, asawa, anak o kaibigan ay napagbibigyan. Gayundin ang mga umasam ng magandang buhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng trabaho, pagpasa sa mga pagsusulit, pagkakataon na mangibang bansa, makapagbukas ng maliit na negosyo, at iba pang mga mahahalagang kahili­ngan. Ito ay kanyang direktang paghahayag ng pananampalataya sa Diyos.

Ang Traslacion ay nagbibigay diin sa debosyon at pagkilala sa paghihirap at pagkakaroon ng pag-asa. Isa itong paglalakbay na kinapupulutan ng debosyon, pananampalataya, pagmamahal at pag-aalay.

Nakasentro ang kapistahan sa tema ngayong taon na “Ibig naming makita si Hesus” na hango mula sa Juan 12:21.
Espesyal ang kapistahan ng Itim na Poong Nazareno nga­yong taon dahil nataon ito sa deklarasyon ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa Quiapo Church bilang isang National Shrine dahil sa malawak nitong gampanin sa pagpapalawak ng pananampalataya sa Panginoong Hesukristo.

Previous articleDOTr, ‘palpak’ na PUV modernization tatalupan ng Senado
Next articleSINONG BABANGGA SA MGA GATCHALIAN?