
MAYROON bang klarong rekord ang Pinas ukol sa mga namamatay sa sobrang init ng panahon o heat wave na lalong lumalala umano sa mga panahong ito?
Aba, nitong Mayor 2023, meron na at naganap mismo sa Tuguegarao City, Cagayan gaya ng nangyari kina Edwin Galupan, 53, na nasawi sa gitna ng taniman niya ng kamoteng kahoy at si Bannawag Lucas, 63, sa loob ng kanyang tahanan dahil sa mahigit 40 degrees Celsius na init ng panahon.
Noong Abril 21, 2023 pa lang, nagbabala na ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na sa loob ng limang araw, aabot sa 50 celsius ang init sa Quezon City at sa Legazpi City, Albay, 50 celsius sa Mayo.
Sa Pilipinas, ang 38 celsius ay masasabing lagnat ang mararamdaman pero kung aabot na ito sa 39-40 celsius, magkokumbolsyon na ang bata.
Paano na lang kung labis sa 40 celsius at hanggang 50 celsius ang init ng panahon na ikinasawi nina Galupan at Lucas?
SA IBANG BANSA
Noong Hulyo-Agosto 2003 sa Europa, nasa 70,000 ang namatay sa init ng panahon na umabot sa mahigit 40 celsius.
Sa Italy, 20,000 and namatay; France, 14,802; United Kingdom – mahigit 2,000; Portugal – 1,953; the Netherlands – 1,500; Germany – 300; Spain – 141; at iba pa.
Noong Mayo hanggang Setyembre 2022, nasa 62,000 umano ang namatay, sa Europa pa rin.
Nanguna pa rin ang Italy sa rami ng nasawi sa bilang na nasa 18,000; Spain – 11,000; at Germany – 8,000.
Daan-daan din ang namatay sa bawat bansa na kinabibilangan ng Greece, Portugal, Bulgaria, Croatia, Malta, Litjuania, Estonia at Romania.
Sa United States naman, sinasabing nasa 700 ang namamatay taon-taon sa heat wave bagama’t sinasabing inirerekord lang ng mga Kano ang direktang namamatay at hindi ang mga heat wave related na mga kamatayan.
Halimbawa ng heat related na kamatayan ang pakamatay ng mga maysakit at lumala lang ang kanilang mga sakit dahil sa init ng panahon.
SA ASYA
Ngayon 2023, bukod sa Pilipinas, noong Abril 2023 lamang, may namatay nang 179 sa India at 90 ang nadagdag nitong Hunyo; at tigdalawa ang Malaysia at Thailand dahil sa init na mahigit 40 celsius hanggang halos 50 celsius.
Ngunit may naospital sa India na 460 habang meron ding ilan sa Pilipinas, Malaysia at Vietnam.
SA PINAS?
Kung may atake ka sa puso o may high blood o sakit kang dahilan ng hirap sa paghinga, lahat na ng paraan para lumamig ang katawan ay dapat gawin.
Uminom ng maraming tubig, maligo, mag-sombrero, magpayong, sisilong sa puno at iba pa.
Ang mga estudyante,trabahador sa konstruksyon at kabukiran at motorcycle delivery boys and girls, dapat mag-ingat nang todo, kasama ang mga senior citizen na pinagmumulan ng pinakamaraming kamatayan.