MANILA, Philippines- Pinabulaanan ni Philippine Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. nitong Miyerkules na naghahanap ng gulo ang Pilipinas sa Scarborough Shoal base sa akusasyon ni Chinese Foreign Minister Wang Wenbin.
“Di naman tayo nagi-stir ng trouble. ‘Di naman tayo ang kumukubkob. ‘Yan ‘yung ‘di nila maintindihan,” giit ni Teodoro.
Nagbabala si Wang sa Pilipinas “not to make provocations or seek trouble” matapos tanggalin ng Philippine Coast Guard ang floating barrier na inilagay ng China Coast Guard (CCG) upang pigilan ang mga mangingisdang Pilipino na makapasok sa Scarborough Shoal, na kilala rin bilang Bajo de Masinloc.
Nanindigan si Teodoro na ang shoal ay traditional fishing ground na pinakikinabangan ng mga mangingisdang Pilipino.
“If it triggers something from China, it is just proving that it really has total disregard for maritime safety,” aniya.
Kinondena ng Pilipinas ang pagkakabit ng 300-meter-long barrier sa bungad ng lagoon ng Scarborough Shoal. Sinabi ng PCG na ang pagbaklas sa “hazardous” barrier ay alinsunod sa utos nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at National Security Adviser Eduardo Año, pinuno ng National Task Force for the West Philippine Sea.
Ang shoal, isang U-shaped rocky outcrop na mayaman sa marine resources, ay kinamkam ng China mula sa Manila noong 2012 na nagresulta sa arbitration complaint ng Manila 10 taon na ang nakalilipas.
“China’ s coast guard took the necessary measures to stop and warn off the ship in accordance with the law, which was professional and with restraint,” pahayag ni Wang.
Huangyan Island ang tawag ng China sa Bajo de Masinloc.
Inihayag ni Philippine Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na ang pagtanggal sa floating barrier ay kahanay ng posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Sa desisyon ng arbitral tribunal sa The Hague, Netherlands, ibinasura ang claims ng China sa South China Sea, sinabing walang bansang may sovereign rights sa shoal at iginiit na traditional fishing ground ito para sa mga mangingisdang Pilipino, Vietnamese at Chinese. RNT/SA