Home NATIONWIDE Defense chief sa mga mangingisda: ‘Wag magsolo sa pangingisda sa Scarborough Shoal 

Defense chief sa mga mangingisda: ‘Wag magsolo sa pangingisda sa Scarborough Shoal 

MANILA, Philippines- Pinayuhan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. nitong Huwebes ang mga mangingisda na iwasang solong maglayag sa West Philippine Sea, kasunod ng panibagong insidente ng umano’y harassment ng Chinese Coast Guard. 

“The best advice I can give is huwag magsosolo-solo ang maliliit na fishermen. A lot of times also, we have fishermen rescued at sea because nagsosolo, and ‘magnanimously’ rescued by whomever, so there is strength in numbers,” pahayag ni Teodoro sa Manila Overseas Press Club forum sa Fairmont Hotel Makati nitong Martes ng gabi.

Makakukuha umano ang small vessels ng average na hanggang 15 toneladang isda sa isang ekspedisyon, aniya.

Nitong buwan, itinaboy umano ng China Coast Guard ang mga mangingisda sa Zambales na nangongolekta ng seashells malapit sa south entrance ng Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc. 

Kinodena ni Teodoro ang nasabing insidente.

“We have contingency measures and long-term plans for the West Philippine Sea. However, for incident response, it is the NTF-WPS (National Task Force for the West Philippine Sea) that is the sole authority for answering such queries, particularly in Bajo de Masinloc,” wika ng opisyal.

“But it does not go to say that we do not condemn the act of China, which has no business in harassing Filipino fishermen,” dagdag niya.

Binanggit din ni Teodoro ang kahalagahan ng paghahain ng diplomatic protest tuwing hina-harass ng China ang mg Pilipino sa West Philippine Sea.

“We need to do those protests so as not to acquiesce and we have several measures that we are doing on a sustainable basis and that we can manage,” aniya.

Sa kabila ng pinakabagong insidente, hinikayat ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela nitong Lunes ang mga Pilipino na patuloy na mangisda sa Bajo de Masinloc area.

“Naniniwala tayo na ang yaman sa WPS ay para sa Pilipino,” pahayag niya.

Inamin ni Tarriela na walang vessels ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa lugar nang maganap ang harassment noong January 12.

“But we are now coordinating with the BFAR to make sure na itong ganitong lull time na nagkaroon ng vacuum of government forces will no longer happen,” giit niya.

Tinukoy sa 2016 arbitral ruling ang Bajo de Masinloc bilang traditional fishing ground para sa mangingisda mula sa Pilipinas, China at Taiwan.

Patuloy namang binabalewala ng China ang hatol. RNT/SA

Previous articleEmergency loans alok ng GSIS sa flood-hit members sa Davao Region
Next articlePI labag sa batas – Carpio