Home NATIONWIDE Dekalidad na trabaho isinulong ni Bong Go

Dekalidad na trabaho isinulong ni Bong Go

MANILA, Philippines- Binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng paglikha ng mga dekalidad na trabaho na tumutugma sa antas ng edukasyon ng mga manggagawa.

“Dapat po makapagbigay tayo ng mga quality jobs para mas malaki rin ang kita ng mga manggagawa dahil karamihan dito may mga pamilya po itong sinusuportahan. Importante rito walang magutom,” ayon kay Go.

Sinabi ng senador na mahalagang magkaroon ng mahusay na trabahong maayos ang pasuweldo at pantay na pamamahagi ng tulong ng gobyerno sa gitna ng bahagyang pagbaba ng unemployment at underemployment rates.

“Actually, bumaba nang bahagya ang unemployment. Still, mataas pa rin. From 4.8% last July 2023, naging 4.4% according po sa Philippine Statistics Authority (PSA),” ani Go.

Aniya ang bilang na ito ay tumutukoy sa mga indibidwal na edad 15 pataas na walang kayod o higit-kumulang 2.21 milyon pa rin na walang trabaho.

Sa pagsasalamin sa underemployment rate, na bumaba mula 15.9% noong Hulyo 2023 hanggang 14.7% noong Agosto, ipinaliwanag niya ang konsepto ng underemployment: “Halimbawa graduate ka ng college course, pero ‘yung trabaho na napasukan mo, eh, factory worker ka.”

“Kumbaga, mas mababa po ‘yung level ng work mo at mas mababa ang sweldo mo kaysa sa iyong educational attainment,” paliwanag ng senador.

Dahil dito, suportado ni Go ang mga panukalang batas para dagdagan ang sahod.

“Bilang miyembro ng Senate Committee on Labor, nag-co-author tayo ng Senate Bill No. (SBN) 2002, ‘yun po ‘yung Across the Board Wage Increase (bill) na magkakaroon po ng increase sa sahod,” sabi ni Go.

Naghain din si Go ng SBN 420 o Rural Employment Assistance Bill na naglalayong magbigay ng pansamantalang oportunidad sa trabaho sa mga kwalipikadong mahihirap na sambahayan sa kanayunan.

Ang isa pang makabuluhang panukala ay ang SBN 1183, o ang Media and Entertainment Workers’ Welfare Bill. Ang batas na ito ay layong pahusayin ang proteksyon, seguridad, at mga insentibo para sa mga manggagawa sa media.

Para sa delivery riders na mahalaga sa modernong komersyo, ang SBN 1184 ay nagmumungkahi ng mas mahusay na proteksyon sa kanila.

Ang Magna Carta of Seafarers, na nakapaloob sa SBN 1191, ay isa pang kapansin-pansing inisyatiba ni Go. Bilang isa sa mga may-akda at co-sponsor nito, binigyang-diin niya na ang panukala ay nakatuon sa proteksyon at mga programa para sa mga marino na isang kritikal na sektor sa ekonomiya ng Pilipinas.

Bagama’t suportado ang wage increases, sinabi ni Go na importanteng balansehin din ito.

“Ayaw din natin magsara ang mga negosyo at mawawalan po ng trabaho ‘yung mga empleyado nila,” anang mambabatas. RNT

Previous articlePresyo ng World Cup jersey ni Messi aabot sa $10M
Next articleKamara sa int’l community: Piracy sa Red Sea kondenahin!