MANILA, Philippines – Isang delivery rider at ang kanyang kasabwat ang nadakip matapos makuhanan ng ₱346,800 halaga ng shabu ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Guadalupe Substation 7 sa isinagawang buy-bust operation Sabado ng madaling araw, Agosto 5 sa Makati City.
Sa report na isinumite ng Makati City police kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Roderick Mariano ay nakilala nag dalawang arestadong suspects na sina Ronjo Avellana a.k.a. Toper, 26, delivery rider at si Patrice Bruce a.k.a. Pat, 27.
Ayon kay Mariano, matagumpay na nadakip sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng SDEU ang mga suspects dakong alas 12:15 ng hatinggabi sa kahabaan ng Baryo Visaya St., Brgy Guadalupe Nuevo, Makati City.
Sa isinagawang operasyon ay nakarekober ang mga operatiba sa posesyon ng mga suspects ng isang nakataling transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 51 gramo na nagkakahalaga ng ₱346,800, isang itim na Honda PCX at ang remote key nito, isang coin purse at ang ₱1000 na ginamit bilang buy-bust money.
Makaraan ang pag-aresto sa mga suspects ay agad itong idinetine sa custodial facility ng Makati City police habang inihahanda laban sa mga ito ang pagsasampa sa prosecutor’s office ng kasong paglabag sa Section 5 and 11 ng RA 9165. James I. Catapusan