
Muling nagpaalala ang PhilHealth sa publiko na mayroon itong mga benepisyo para sa maoospital dahil sa dengue at leptospirosis, dalawa sa mga karaniwang sakit sa panahon ng tag-ulan.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Health, mahigit 80,000 kaso ng dengue at 2,000 kaso ng leptospirosis ang naitala sa bansa kamakailan.
Sagot ng PhilHealth hanggang P10,000 para sa dengue (with or without warning signs) at P16,000 para sa severe dengue.
Samantala, P11,000 naman ang benepisyo nito para sa leptospirosis. Ayon sa pinakahuling datos ng ahensya inilabas noong Hunyo 5, 2023, nagbayad ang PhilHealth ng mahigit P700 milyon para sa 76,000 dengue claims at P19 milyon para sa 1,654 claims para sa leptospirosis sa buong bansa.
Hinimok ni PhilHealth Chief Emmanuel R. Ledesma, Jr. ang publiko na gawin ang kaukulang pag-iingat para makaiwas sa dengue at leptospirosis sa pamamagitan ng pagiging malinis sa katawan at kapaligiran, pag-iwas sa paglusong sa baha, paglilinis ng mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok, at iba pa.
Pinaalala rin niya ang kahalagahan ng agarang pagpapatingin sa doktor kung nakararamdam ng sintomas ng sakit.
“Huwag po nating ipagwalang bahala ang mga sintomas ng dengue at leptospirosis dahil delikadong sakit ang mga ito. Agad magpatingin at kung kinakailangang ma-confine ay huwag mag-alala dahil sagot namin ang mga ito”, ani Ledesma.
Hinikayat din niya ang publiko na magparehistro o mag-update ng rekord sa PhilHealth upang maiwasan ang abala sa paggamit ng mga benepisyo.
PHILHEALTH PINALAKAS ANG UGNAYAN SA MGA KATUTUBO
PARA higit na mapalapit sa mga katutubo na nasa mga itinuturing na GIDA o geographically isolated and disadvantaged areas, nagsagawa ang PHILHEALTH o Philippine Health Insurance Corporation ng serye ng RTDs o round table discussion sa Cagayan, Palawan at Sultan Kudarat.
Layunin ng RTDs na mula sa makukuhang impormasyon sa mga katutubo ay makabuo ng isang learning material na para sa mga espesipikong grupo para mas maintindihan ang kahalagahan at mga benepisyo ng PHILHEALTH sa kanila at komunidad.
Binubuo ng 20 participants ang bawat session ng RDs na dinadaluhan ng mga piniling kinatawan ng pangkat katutubo, ang kanilang IPMR o Indigenous People’s Mandatory Representative, kinatawan mula sa provincial level ng NCIP at PHILHEALTH regional office, corporate marketing department at corporate communication department.
Sa pagtataya ng NCIP, mayroong 11.3 million na mga katutubo sa bansa na karamihan ay naninirahan sa GIDAs na may kakulangan sa mga basic social service at sa pagkakataon sa edukasyon at trabaho.