MANILA, Philippines – SHOOT sa kulungan ang 59-anyos na dentista matapos dakpin ng mga pulis sa bisa ng search warrant laban sa suspek makaraan na magpositibo ang impormasyon sa mga pag-iingat ng mga armas ng huli sa Caloocan City.
Bandang alas-4:35 ng hapon ng isagawa ng Northern Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Northern Police District (NPD), District Mobile Force Battalion (DMFB) at Caloocan City Police ang raid sa bahay ni Prospero Oropesa sa #434 Cherry Blossom St., Bo. Sto. Niño, Brgy. 187 sa bisa ng search warrant na inilabas ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Judge Raymundo G. Vallega ng Branch 130.
Ayon sa ulat ng pulisya, humiling ng search warrant sa korte ang Northern CIDG matapos maiprisinta ng kanilang testigo na nagpapatunay na may mga hindi lisensyadong armas ang suspek.
Narekober ng mga pulis sa bahay ni Oropesa ang isang kalibre .9mm pistol na may dalawang magazine na parehong naglalaman ng pitong bala, isang caliber .45 pistol na may magazine at may dalawang bala at isang MK2 na grenade na naging dahilan upang arestuhin ang suspek makaraang walang itong maipakitang mga legal na dokumento sa mga iniingatan na armas.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act at R.A. 9516 o Illegal Possession of Explosive sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (R.A Marquez)