Home HOME BANNER STORY DepED dumepensa sa awards system sa mga iskul: Nag-aalis ng pressure, kompetisyon...

DepED dumepensa sa awards system sa mga iskul: Nag-aalis ng pressure, kompetisyon sa mga mag-aaral

MANILA, Philippines- Iginiit ng Department of Education (DepEd) na inalis ng awards at recognition system na ipinatutupad sa mga esuwelahan ang “pressure” at kompetisyon sa mga mag-aaral at tinulungan ang mga itong tutukan ang sarili nilang academic excellence.

Ito’y matapos na mag-viral ang post sa social media na tila tumaas ang bilang ng mga estudyante na nabigyan ng academic awards, habang ang Pilipinas ay nasa ranggong ‘mahina’ sa 2023 Program for International Student Assessment (PISA).

“Iba naman ang parameters na ginagamit ng PISA when it comes to determining the scores of the countries. Iba rin naman ang parameters ang ginagamit natin for the awards and recognition sa schools based on achievements. So hindi natin pwede i-compare iyong results ng ating classroom performances with that of international large-scale assessments,” ayon kay DepEd Assistant Secretary Francis Bringas.

Sa kasalukuyang awards system na ipinatutupad ng mga paaralan mula nang magsimula ang K to 12 program, inalis ang titulong “valedictorian”, “salutatorian” at “hononary mentions” na limitado lamang sa 10 estudyante sa klase o batch.

Tinuran ni Bringas, ang mga estudyante na nagkamit ng average grade na 90 hanggang 94 ay awtomatikong mabibigyan ng “with honors” award, “with high honors” para naman sa 95 hanggang 97, at “with highest honors” para sa mga estudyante na nakaabot sa 98 hanggang 100 average grade.

“Kapag mayroon tayong valedictorian at salutatorian, the learners are competing with other learners, but with the new grading system, or awards system you are competing with yourself and kung nami-meet mo ang standard then you will be recognized,” ayon pa rin kay Bringas.

“Iyong ganitong awards system it really highly encourages our learners to strive. It is more inclusive dahil hindi na siya nagiging limited to just the top 10 in the class,” dagdag na pahayag nito.

Samantala, naniniwala naman ang Teachers Dignity Coalition (TDC) na kailangang repasuhin ang kasalukuyang awarding system.

Sinabi ni TDC Chairperson Benjo Basas na habang ang awarding mechanism ay naghihikayat sa mga estudyante na tutukan at ituon ang kanilang pansin sa pansarili nitong academic excellence, “there is no uniformity or solid standard in the giving of grades.”

Napagtanto aniya ito matapos na hawakan ang transferees na napag-iwanan o nahuli sa pag-aaral subalit mayroong magandang scholastic records sa kanilang dating eskwelahan.

“Ang ating mga teacher and even ang ating mga school ay binababa ang standard nila o di kaya ay nagbibigay ng kaunting kunsiderasyon doon sa mga bata kasi siempre kapag iyong bata nakikita po na nagsisikap tapos parang deserving naman siya na ireward,” ani Basas.

“Ang grades ng bata hindi lang naman nanggagaling sa exam, hindi lang naman iyan galing sa paper and pencil test, mayroon din naman diyang subjective. Halimbawa, iyong performance ng mga bata ay pagsusulat niya, iyong physical performance tulad ng pag-arte, at iba pa,” aniya pa rin sabay sabing, “Ang problema dito kada isang lokalidad, isang eskwelahan maaaring magiba iba.Nagba-vary po ang appreciation ng ating teacher.” Kris Jose