Home METRO DepEd memo sa EMBO schools nilabag ng Makati?

DepEd memo sa EMBO schools nilabag ng Makati?

MANILA, Philippines – Ilang guro mula sa mga paaralan ang nagpaabot ng kanilang report ng paglabag ng Makati City sa kautusan ni Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte kabilang na dito ang tangkang pagpapasok ng school supplies ng Makati LGU sa Pitogo High School.

Ang nasabing school supplies ay pinadeliver sa pamamagitan ng courier service delivery ng Makati.

Ang tangkang pagpapasok ng school supplies ng Makati City ay tinanggihan umano ng mga guro dahil batid nitong dapat may kautusan muna mula sa DepEd.

Samantala, patuloy pa rin ang paglalagay ng mga bagong tarpaulin sa mga Embo schools na nakasaad na “This Property is owned by Makati City”.

Base pa sa ulat na ang General Services Department din ng Makati City ay nagtutungo umano sa mga EMBO schools para tignan at i-tag ang mga properties sa loob ng paaralan.

Matatandaan na sa hangarin na maalis ang tensyon sa pagitan ng Makati at Taguig, nagpalabas ng Memorandum No 23-2023 si Vice President Sara Duterte na nag-uutos na ilagay sa direct authority ng Department of Education(DepEd) ang 14 na public schools na nasa Enlisted Men’s Barrio (EMBO) barangays.

Sa ilalim ng nasabing memorandum ang DepEd Central Office ang siyang may direct supervision sa management at administration habang hindi pa natatapos ang transition plan para sa paglilipat sa Taguig City ng mga EMBO schools na kinabibilangan ng Makati Science High School, Comembo Elementary School, Rizal Elementary School,Pembo Elementary School,Benigno “Ninoy” S. Aquino High School, Tibagan High School, Fort Bonifacio Elementary School, Fort Bonifacio High School, Pitogo Elementary School, Pitogo High School, Cembo Elementary School, East Rembo Elementary School, West Rembo Elementary School at South Cembo Elementary School.

“Hence, in pursuit of protecting the best interest and welfare of our learners, teachers, and non-teaching personnel, the Office of the Secretary shall directly supervise the management and administration of all 14 schools, pending a transition plan, effective immediately,” nakasaad sa memo.

Nakapaloob din sa memo na habang nasa transition period ang lahat ng kilos ng Makati at Taguig LGU ay dapat may pahintulot mula sa DepEd Office of the Secretary.

Sinabi ni DepEd Spokesman Michael Poa na kinikilala ng DepEd ang kautusan ng Korte Suprema na nagtatakda na ang EMBO schools ay nasa ilalim ng legal na hurisdiksyon ng Taguig City gayunpaman dahil sa hindi nareresolba kung sino ang nagmamay ari ng school buildings ay kailangan ng bumalangkas ng transition plan.

Una nang sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na dapat bilhin o rentahan ng Taguig ang mga school buildings kung nais nitong makumpleto ang paglilipat ng mga EMBO schools sa Taguig.

Kabilang sa reresolbahin ng Transition Committee ay kung sino ang magbabayad ng utilities at security ng mga paaralan gayundin ang iba pang gastusin subalit habang wala pang pinal na plano ay ang DepEd ang syang aako muna ng operating expenses ng mga apektadong paaralan sa pamamagitan ng kanilang contingency plan.

Una nang sinabi ng Taguig City na suportado nito ang hakbang ng DepEd para sa smooth, orderly at peaceful transition para sa administrasyon ng mga paaaralan patungo sa kanilang lungsod.

Previous articleTaguig nagsimula nang mamahagi ng school supplies
Next articleTaguig namahagi na ng school supplies