MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng eskwelahan na nag-aalok ng basic education ng mahigpit na implementasyon ng cut-off age para sa incoming kindergarten pupils ngayong darating na School Year (SY) 2023-2024.
“Authorities of public and private schools are instructed to strictly enforce and implement the kindergarten cut-off age,” ang nakasaad sa memorandum na ipinalabas ng DepEd noong nakaraang linggo.
Ang polisiya sa mahigpit na implementasyon ng kindergarten cut-off age, ayon sa DepEd, ay nakasaad at nakatakda sa Department Order (DO) 020, s. 2018 o Amendment to DepEd Order No. 47, s. 2016.
Ayon sa DepEd, ang age qualification para sa kindergarten pupils– kapwa sa public at private schools ay dapat na limang taon sa Hunyo 1 ng bawat calendar year.
Sinabi ng DepEd na ang eskwelahan “may consider learners entering kindergarten who will turn five (5) years old by the end of August.”
Gayunman, dapat pangasiwaan ng Philippine Early Childhood Development (ECD) ang checklist bago magsimula ng pagbubukas ng school year upang matiyak na ang mga mag-aaral ay “capable of meeting expectations of the grade level.”
“For schools commencing their school year beyond June, the kindergarten learners should be five years old by June 1 and the extension period ending on Aug. 31 may be adjusted for schools,” ayon sa DepEd.
Samantala, para sa mga eskwelahan na sisimulan ang kanilang school year sa Hulyo, ang Kindergarten learners ay dapat na limang taong gulang sa Hulyo 1 at ang extension period ay hanggang Setyembre 30 lamang.
Para naman sa mga eskuwelahan na sisimulan ang kanilang school year sa Agosto, ang Kindergarten Learners ay dapat na limang taong gulang sa Agosto 1 at ang extension period ay dapat na hanggang Oktubre 31.
Sinabi ng DepEd na ang private schools ay maaaring magpataw o maglapat ng karagdagang requirements sa incoming Kindergarten learners subalit dapat lamang na ang mga ito ay “consistent with existing laws, rules, and regulations.”
Samantala, nagpalabas naman ang departmento ng paalala dahil nagsagawa ito ng Early Registration para sa incoming school year mula May 10 hanggang Hunyo 9. Kris Jose