Home NATIONWIDE Deployment policy sa mga barko na daraan sa Red Sea, pinag-aaralan ng...

Deployment policy sa mga barko na daraan sa Red Sea, pinag-aaralan ng DMW

MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kasalukuyang polisiya sa deployment ng mga marinong Filipino sa mga barkong dumaraan sa Red Sea kung saan matatandaan na naglunsad ng kabi-kabilang pag-atake ang rebeldeng Houthi mula pa noong nakaraang taon.

Ito ay kasunod ng muling pag-atake ng mga rebelde sa MV Tutor ngayong linggo. Ito na ang ikatlong barko kung saan may mga sakay na Filipino na tinarget ng Houthis.

“We cannot stop the commerce, a ship from sailing… [but] in light of this recent incident, we are reviewing this current policy. Just give us room to review the policy,” sinabi ni DMW Secretary Hans Cacdac.

Bagama’t inatasan na ng pamahalaan ang mga barko na may sakay na Filipino seafarers na mag-divert ng kanilang ruta palayo sa rebel-infested areas, patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang “political and security considerations.”

Habang hindi pa ipinatutupad ang bagong deployment policy sa Red Sea, siniguro naman ng pamahlaaan sa mga Filipino seafarer na mayroon ang mga ito na “right to refuse sailing” kung ang isang barko ay maglalayag sa peligrosong bahagi ng karagatan.

Sa kasalukuyan, 50% ng mga barko na may sakay na Filipino seafarers ang tumugon sa panawagan ng pamahalaan “to divert their voyages.”

Ang mga Pinoy na sakay ng tatlong na-hijack na barko, ang MV Galaxy, MV True Confidence at MV Tutor — ay pumayag na dumaan ang barko sa naturang mga ruta kung saan nangyari ang pag-atake.

Kamakailan ay sinabi ng mga rebeldeng Houthi na ang kanilang mga pag-atake ay bilang ganti sa ilang buwan nang pagpupulbos ng Israel sa Gaza Strip. RNT/JGC