MANILA, Philippines – NILINAW ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang kinalaman ang kanyang Tokyo visit sa deportasyon ng mga Japanese fugitive mula sa Pilipinas.
Giit ni Pangulong Marcos, nagkataon lamang ito sa kanyang official visit sa Japan.
Sa katunayan, matagal na aniyang ni-request ng Japan ang deportasyon ng mga Japanese fugitive bago pa ang official visit niya ngayon.
Sinabi ito ng Pangulo matapos na ipa-deport ng Pilipinas ang dalawa sa apat na takas na sangkot sa “Luffy” heists, araw ng Martes, Pebrero 7.
Sa isang panayam sa Pangulo, sinabi nito na nagkataon lang ang naturang insidente.
“It (deportation) was actually in the process already before the Japan trip was even planned. Nagkataon lang na— it was just coincidence that it happened,” ang wika ng Pangulo.
“Of course, it cannot hurt because it is a request from the Japanese government. And so we are always going to acquiesce to that request,” dagdag na pahayag nito.
Ayon sa Pangulo, ang proseso ay mahalaga gaya ng sa “extradition. “
“We basically followed the same criteria as an extradition,” aniya pa rin.
“Although, hindi na nating ginawang extradition kasi ang request nila para mabilis, deport na lang . That’s precisely what we did,” lahad nito.
Sa ulat, dalawa sa mga Japanese citizens na nasa kustodiya ng gobyerno ng Pilipinas ang ibinalik na sa Japan.
Ito ang inanunsiyo ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na aniya ay ito na ang ‘worst case scenario.’
Nais aniya ng gobyerno na maibalik na sa Japan ang lahat ng mga sinasabing ‘Japanese fugitives.’
“Two are sure to be deported tomorrow, but hopefully, we can deport everyone by tomorrow,” sabi ng kalihim.
Matatandaang, hawak ng gobyerno ang apat na Japanese citizens na iniuugnay sa malaking crime group sa Japan, isa na ang isang alias ‘Luffy.’
Napaulat na bagamat nakakulong, nagawa pa rin ni ‘Luffy’ na ipagpatuloy ang kanyang modus sa pamamagitan lamang ng smart phone.
Nabanggit din ni Remulla na may mga awtoridad mula sa Japan ang dumating at magsisilbing ‘escorts’ ng mga palalayasin na Japanese nationals. Kris Jose