MANILA, Philippines- Sinisilip ng Department of Justice (DOJ) na i-deport ang 42 Chinese nationals na naaresto sa cybercrime hub sa Pasay City.
Base sa ulat nitong Biyernes, dinala ang mga ito sa Pasay Regional Trial Court (RTC) ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Nadiskubre na ang mga mga suspek ay Chinese nationals, “bosses,” na naaresto sa nakaraang operasyon.
“Ito kasing 42 ay dating nahanap na sa Clark at sa Las Piñas na raid. The fact na nakita ulit natin sila sa Pasay, ibig sabihin, talagang naghahanap sila ng trabaho dito at ang pagtrabaho na ito ay pagiiscam sa mga tao. Undesirable aliens po sila kaya gusto natin sila ipadeport,” pahayag ni DOJ Undersecretary at spokesperson Mico Clavano.
Samantala, naghain ang mga naarestong indibidwal ng Writ of Habeas Corpus. Ibinasura naman ng Pasay RTC ang kanilang aplikasyon matapos ang pagdinig.
“Chinallenge po nila ‘yung legal custody ng mga law enforcement agencies na nag-raid doon sa Pasay. Thankfully, ‘yung judge in this case he saw the wisdom ng ating Secretary kung saan inilagay ang legal custody sa Bureau of Immigration,” paglalahad ni Justice Department Spokesperson Undersecretary Mico Clavano.
Habang nasa NBI Pasay ang physical custody ng 42 Chinese nationals, ang mga dayuhan ay nasa ilalim ng legal custody ng Bureau of Immigration, na sisimulan na ang kanilang deportation process sa China.
“Dahil sa violation nila sa immigration laws, yun po ang magiging basis sa deportation nila. Ang gusto lang natin ma-achieve sa mga raids na ito ay mapatigil ang mga scams o scam hub na alam nating napakadami na dito sa Pilipinas,” sabi ni Clavano.
Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang mga nadakip na Chinese nationals. RNT/SA