MANILA, Philippines – Malaki umano ang impluwensya sa National Bureau of Investigation (NBI) ng akusadong si Jad Dera.
Ito ang tahasang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla matapos kumpirmahin na nakakulong na ngayon sa Muntinlupa jail si Dera matapos mag-isyu ng commitment order ang Muntinlupa RTC.
Malaking katanungan din para kay Remulla kung bakit sa tagal ng panahon ay sa NBI detention facility nakapiit si Dera.
Aniya, nadiskubre din ng kaniyang tanggapan ang mga gawain umano ni Dera sa loob ng NBI kung saan naimpluwensiyahan umano niya ang ibang mga imbestigasyon ng mga taong nakakulong sa loob ng NBI detention.
Sinabi ng kalihim na nagmimistulang mayor si Dera ng mga nakakulong sa NBI.
Pinag-aaralan ng DOJ kung gaano kalawak ang impluwensya ni Dera sa loob ng NBI facility.
Si Dera ay kapwa akusado sa drug case ni dating Senator Leila de Lima.
Nitong nakaraang buwan, nabuking ang paglabas-pasok ni Dera sa kulungan at kumain pa sa isang hotel sa Makati kasama ang anim na NBI security personnel. Teresa Tavares