Home TOP STORIES Destab vs PBBM tinutulan ng labor group, mga kabataan

Destab vs PBBM tinutulan ng labor group, mga kabataan

Mariiing tinutulan ng Bukluran ng mga Mangagawang Pilipino (BMP) ang umuugong na usapin sa diumano na destabilisasyon laban sa pamahalaang Ferdinand Marcos Jr sa kabila ng mainit na diskusyon sa pagbabalik sa Pilipinas bilang kasapi at pagsasailalim sa huridiksiyon ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Gie Relova, pangulo ng BMP, posibilidad sa pagpapahintulot ng administrasyong BBM na mabuksan ang imbestigasyon sa malawakang pagpatay sa ilalim ng kampanyang “War on Drugs” ng dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga katulad na krimen sa panahon ng panunungkulan nito noong alkalde sa Lungsod ng Davao ay maituturing nilang resulta sa pag-alingawngaw ng destabilisasyon.

Ipinapalagay ng BMP, isa sa sentro ng labor federation sa bansa, na may grupo o kapanalig ang pangkat ni dating Duterte na tila labis na nag-aalala sa posibilidad na maaresto at malitis ang dating pangulo kaya lumaganap sa social media ang linyang “walang anumang dayuhang hukuman ang maaaring makialam sa sistemang legal ng bansang Pilipinas”, na siyang itinatambol umano ng mga destabilizer.

Sa pagsusuri ng BMP, nalalantad ang tunay na layunin ng destabilisasyon ay upang mapresyur at paatrasin ang administrasyong BBM sa pagkiling nito na maibalik ang Pilipinas sa ICC.

Nagkaisang ipinanindigan ang kasapian ng BMP na dapat papanagutin ang sinumang nagpapasimuno at nagpatupad ng karumal-dumal na krimen sa hanay ng mahihirap nating mga kababayan.

Sa kaugnay na ulat, inihayag ng Youth4IntegrityPH, isang grupo ng kabataan, ang pagtutol nito sa bantang destabilisasyon sa pamahalaang BongBong Marcos. Itinuring nilang pasaway at taksil sa bayan ang iilan na naghahasik ng destabilisasyon, lalo na kung ang nasa likod nito ay na gustong papasukin ang dayuhang naghahangad na sakupin ang ating teritoryo.

Ayon kay Antonio De Leon, tagapagsalita ng grupong Youth4IntegrityPH, “ang anumang pagbabanta sa kaayusan ng bansa ay nakakaapekto sa ekonomiya ng bansa kaya sa halip na pahinain ang administrasyon ay tumulong tayong palakasin ang pamamahala sa bansa para sa kinabukasan ng mga kabataan.

Ipinahayag ng grupo ang pakikiisa nila sa mga kawal ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard at Philippine National Police sa pagtataguyod integridad ng Pilipinas laban sa sinumang gusto sumakop sa teritoryo ng bansa. Ang tinutukoy ng mga kabataan ay ang alitan sa teritoryo ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea. RNT

Previous articleBAKIT AMNESTY?
Next articleICC, DOBLE KARA SA HUMAN RIGHTS