MANILA, Philippines – Sinita ni Senador
Francis Tolentino nitong Miyerkules, Setyembre 27, ang ilang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at National Mapping and Resource Information Authority (Namria) sa pagiging “uncooperative” sa plano ng bansa na magtatag ng Maritime Zones law.
Pinuna ni Tolentino, na umuupong chairperson ng Senate special committee on Philippine maritime and admiralty zones, si Namria Deputy Administrator Efren Carandang at DFA Undersecretary for Civilian Security and Consular Affairs Jesus Domingo, kasabay ng pagdinig ng Kapulungan, sa pagtatayo ng maritime zones.
“Hindi ko alam kung bakit takot kayo. Kapag may ginagawa ang China, ang tatapang. Pero dito sa hearing, hindi makapagsalita,” ani Tolentino, sa pagdinig ng Senado sa pagtatayo ng maritime zones.
Bagama’t hindi binanggit ang pangalan, pareho ring nakatanggap ng matinding kritisismo sina
Senior State Solicitor Jane Yu at DFA Maritime and Ocean Affairs Office Director Andrea Leycano mula kay Tolentino.
Ito ay makaraang hamunin ng senador ang mga opisyal na tukuyin ang “potential overlaps” sa mga kalapit na bansa, kung ang Pilipinas ay bubuo ng maritime delimitation agreement.
“We are trying to craft something that would perhaps, in the end, produce a proper delimitation agreement with the overlapping jurisdictions. This would be for the benefit of all the claimant states,” sinabi ni Tolentino.
Hirap makasagot sina Leycano at Yu, sabay-sabing kinakailangan ang negosasyon sa mga karatig-bansa upang tukuyin ang “potential overlap.”
“Humihingi po ako ng paumanhin. Hindi po ito dahil sa tayo ay nagtatago. Ang ating pananaw lamang ay maaaring may mga sensitibong bagay — halimbawa, kung ang mga bansang ‘yun ay gumagawa rin ng kanilang delimitation ngayon, at ‘yun po ang magiging subject ng ating negotiations,” ani Yu.
Sinabi naman ni Leycano na hindi nag-aalinlangan ang DFA na protektahan ang karapatan ng Pilipinas, ngunit sinabing kailangan lamang na sundin ang tamang proseso.
“DFA is completely at the disposal of the legislative branch to help pursue the enactment and formulation of these laws. But our general work entails negotiations with other states,” ipinunto niya.
“The job of [the] Senate is to produce legislation here. Our job here is not to be diplomatically hesitant,” sagot dito ni Tolentino.
Bago matapos ang pagdinig, sinita ni Tolentino sina Yu at Carandang, at sinabing hindi na sila magiging bahagi pa ng mga susunod na pagdinig ng komite. RNT/JGC