Home NATIONWIDE DFA sa Iran gov’t: Kaligtasan ng Pinoy crew sa binihag na oil...

DFA sa Iran gov’t: Kaligtasan ng Pinoy crew sa binihag na oil tanker, siguruhin

MANILA, Philippines – HINIKAYAT ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Iran na tiyaking ligtas ang 18 marinong Filipino na sakay ng isang oil tanker matapos harangin ng Iran navy habang naglalayag sa Gulf of Oman.

Sa ulat, ginawa di umano ito ng Iran bilang ganti sa pagkumpiska ng Estados Unidos sa parehong tanker noong nakaraang taon kung saan ay sinamsam umano ang kargang langis ng barko.

Base naman sa ulat ng UK Maritime Trade Operations, nasa limang katao umano na nakasuot ng military style black uniforms at mga maskarado ang sumakay sa tanker.

Sa kabilang dako, nakipag-ugnayan na ang DFA ng Pilipinas sa Iran na i- check ang kondisyon ng mga marinong Filipino na sakay ng oil tanker.

“The Department has relayed to the Iranian authorities our concern over the welfare and safety of our 18 crewmen.,” ayon kay Foreign Affairs Usec. Eduardo de Vera sabay sabing “We are awaiting an official report from our Embassy in Iran and the Iranian Embassy in Manila.”

“The Philippine Government will spare no efforts in effecting the release of our nationals,” ayon pa rin sa DFA.

“Iran’s actions are contrary to international law and threaten maritime security and stability,” ang sinabi naman ni Vice Adm. Brad Cooper, commander ng US Naval Forces Central Command at Commander US 5th Fleet.

Samantala, sinabi naman ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, wala pa silang update kung ano na ang sitwasyon o sinapit ng oil tanker na St. Nikolas subalit patuloy ang kanilang koordinasyon sa manning agency ng mga marinong Pinoy.

Bukod sa manning agency, tuloy-tuloy din aniya ang ugnayan ng DMW sa Department of Foreign Affairs (DFA) at maging sa mga pamilya ng 18 marinong Pinoy.

Umaasa naman si Cacdac sa tulong ng DFA upang makakuha ng mga update tungkol sa kalagayan ng 18 kababayan. Kris Jose

Previous articlePagbubukas pa ng ibang Pasig River ferry stations target ng MMDA
Next articleTserman sa Zambo utas sa pamamaril