Home NATIONWIDE DFA: Wala pang naiuulat na Pinoy na biktima ng Maui wildfires

DFA: Wala pang naiuulat na Pinoy na biktima ng Maui wildfires

MANILA, Philippines- Sa kasalukuyan ay wala pang Pilipinon kumpirmadong nasawi sa wildfires na tumama sa Lahaina sa isla ng Maui, Hawaii, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Linggo.

Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa isang panayam na nasa 80 na ang nasawi, habang libo-libo ang nawawala dahil sa wildfires, subalit wala sa mga ito ang nakumpirma bilang mga Pilipino.

“Wala pang balita. Eighty ang mga namatay, wala pa tayong confirmation na Filipino. Pagdasal natin,” aniya.

Inihayag ng DFA official na mayroong 25,000 Filipino-Americans sa Maui, na bumubuo sa 17% ng populasyon ng isla. Sa kabuuang, 200,000 Filipino-Americans ang nananatili at/o nagtatrabaho sa Hawaii.

Sinabi ng Maui Filipino Chamber of Commerce na daan-daang Pilipino ang kabilang sa mahigit 1,000 na nawawala sa wildfires na sumiklab nitong Martes.

Sinabi ni De Vega na posible ito, subalit kumakalap pa umano ng datos ang mga awtoridad, dahil putol pa rin umano ang internet at communication lines sa isla.

“Maari po, pero hindi natin masabi kung talagang Filipino citizens pa kasi sabi ni Consul General Emilio Fernandez, karamihan ng mga Pilipino sa Maui ay American citizens,” paliwanag niya,

“‘Yung mga Filipino naman, wala naman mismo sa forest. Hindi naman sila mismo sa kung saan ang sunog, pero malapit. May mga neighborhood, nasunog ang bahay. ‘Yung mga Pilipino nagta-trabaho do’n tourists resort o hotel…kung missing, ibig sabihin nawalan ng contact o pina-evacuate,” dagdag ng opisyal.

Sa ulat nitong Linggo, sinabi pa ni Fernandez na ligtas ang Filipino teachers na tinanggap kamakailan sa Hawaii. “Mayroon rin mga bagong dating na teachers recruited in Hawaii…mga otsenta sila. Out of 80…50 were assigned in the island of Maui. Thankfully they, are accounted for safe in temporary shelters,” paglalahad niya.

Sabi naman ni De Vega, walang ulat ng Pilipinong inilikas sa kapital ng Hawaii, ang Honolulu.

“Walang Pilipinong inilipat to Honolulu… nandoon pa rin sila lahat sa Maui. Ang latest, within 24 to 48 hours, magiging malinaw na ang situation,” sabi niya.

Nang tanungin kung saan nananatili ang mga Pilipino sa Maui, sinabi ni de Vega na nagtatayo ang mga awtoridad ng shelters para sa mga apektadong indibidwal.

Sinabi pa ng Philippine Consulate General sa Honolulu na maaari itong kontakin ng mga pamilya sa Pilipinas sa 24/7 emergency hotline (+1 808 253 9466), email ([email protected]), o Facebook page. Maaari rin umanong sumangguni sa OFW Help sa Facebook. RNT/SA

Previous article21 China ships patungong Pag-asa Island, 19 nasa Ayungin pa rin – security expert
Next articlePatay sa Maui wildfires, 93 na!