Home NATIONWIDE DHSUD naghahanda na sa relokasyon ng NCR housing beneficiaries

DHSUD naghahanda na sa relokasyon ng NCR housing beneficiaries

MANILA, Philippines – Nakipagpulong ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) nitong Miyerkules, Enero 10 sa iba pang ahensya ng pamahalaan kaugnay sa relokasyon ng mga benepisyaryo ng housing program ng administrasyong Marcos.

Kabilang sa mga ahensya na dumalo sa pagpupulong ay ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Metro Manila Council (MMC).

Nagpahayag ng suporta si MMC president San Juan City Mayor Francis Zamora sa DHSUD sa pagsisimula nito sa paghahanap ng posibleng “staging areas” para sa housing program.

“Ano po ba ang nagiging problema namin kapag nagkaroon ng paglipat ang ating mamahayan? Kadalasan, nagkakaroon ng resistance dahil napapalayo sila sa kanilang tahanan,” ani Zamora.

“Kapag nagkaroon tayo ng staging areas, hindi na po kailangan nila na lumayo pa. Doon mismo sa site kung saan sila dating nakatira at kung saan gagawin ang kanilang pabahay, doon na rin po ang staging areas,” dagdag niya.

Sinabi naman ni DILG Secretary Benhur Abalos na sinisikap na nilang tukuyin ang staging areas para sa housing program ng administrasyong Marcos.

“Ang tanong na lang saan po iyong staging areas. Kaya pinaguusapan din namin iyon. Baka puwedeng bawat site may staging area,” anang opisyal.

“Hindi kamukha noong araw, kung magkakaroon ng staging area, malakihan. Ngayon, madali na, container na lang,” dagdag niya.

Ayon naman kay MMDA acting chairperson Romando Artes, magbibigay ng inventory ng informal settler families at government-owned open spaces o nararapat na lugar para sa staging sites ang mga alkalde ng Metro Manila.

“We will create a Technical Working Group that will be closely working together for the submission of LGUs’ inventories of all available and suitable lands for the program,” ani Artes. RNT/JGC

Previous articleTRAFFIC LIGHTS, SIGNS AT ROAD BARRIERS AYUSIN
Next articleSTATE OF EMERGENCY SA ECUADOR SA DROGA