MANILA, Philippines – Pinagtatanggal ng Commission on Elections ang mga campaign materials sa mga hindi awtorisadong lugar sa inilunsad na Nationwide Simultaneous Operation Baklas sa Barangay 657 at 658 sa Intramuros, Manila para sa October 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.
Paalala ni Chairman George Garcia, sa mga kandidato huwag maglagay ng campaign materials sa mga private property at mga kable ng kuryente.
Sa kabila ng isinagawang pagbabaklas ng mga campaign materials, sinabi ni Garcia na wala namang lumabag sa allowable size requirements.
Sinabi naman ni Comelec Spokesperson Attorney Rex Laudiangco na ang unang dalawang araw ng kampanya para sa BSKE ay mapayapa at maayos.
“Generally peaceful, maayos at matiwasay naman po ang ibat ibang panig ng bansa batay po sa report natin dun sa unang dalawang araw ng kampanya, bagama’t meron po kaming na-subject sa Operation Baklas, pero iilan-ilan lang po ito at karamihan naman po ng mga kandidato natin ay totoong responsableng kandidato po at sumusunod po sa mga alituntunin natin pang-halalan,” sabi ni Laudiangco sa panayam ng DZBB.
Pinaalalahanan niya ang mga kandidato na ang mga pinapayagang sukat para sa mga materyales sa halalan ay 8.5 x 14 pulgada para sa mga flyer, 2 x 3 talampakan para sa mga tarpaulin, at 3 x 8 talampakan para sa mga streamer.
Ang mga materyal na ito ay maaari lamang ilagay sa mga common posting areas.
Samantala, ang Comelec Task Force Anti-Epal ay handa nang tignan ang mga aktibidad sa iligal na pangangampanya sa buong panahon ng halalan.
“Ang atin pong Task Force Anti-Epal, sila po ang tumututok po na committee naming patungkol sa premature campaigning at early campaigning at ngayon nga po na pumasok na ang campaign period, pati po ang illegal campaigning at illegal campaign material,” ayon pa kay Laudiangco. Jocelyn Tabangcura-Domenden