Home OPINION ‘DI DAPAT DAYUHAN SA SARILING BAYAN

‘DI DAPAT DAYUHAN SA SARILING BAYAN

HINDI ba pwedeng “patayin” na lang muna ang pagbabago sa Saligang Batas ng Pilipinas?

Aba’y iyan ang hindi pinagkakasunduan ng Senado at Kongreso. Bagaman nagkausap na sina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez sa kanilang pagdalo sa 100th birthday celebration sa Malacañang ni Presidential Adviser Juan Ponce Enrile na hindi kailangang magbanggan ng mga mambabatas, hindi pa rin matapos-tapos ang usapin sa Charter change.

Baka naman pwedeng pakinggan ng pulitikong halal ng bayan na tinig ng mamamayan? Aba’y bugbog na ang taumbayan sa mga problema sa kanilang araw-araw na pamumuhay dahil  mahal ng bilihin at serbisyo dulot ng kung ano-anong dahilan kabilang na ang nakalolokong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, kawalan ng trabaho, mababang sahod sa mga manggagawa, napakataas na singil ng Bureau of Internal Revenue, korapsyon at iba pa.

Huwag na ipilit pa ng mga kongresista ang pagbabago sa Konstitusyon partikular ang ‘economic revision’ dahil lang sa kagustuhan nilang mapapasok pa ang maraming foreign investors.

Itong si Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman, chairperson ng House Committee on Women and Gender Equality, aba’y sinasabing dapat mapakinggan ang mga potensyal na mamumuhunan sapagkat sila ang nakararanas ng mga hamong kinakaharap bago makapagtayo ng negosyo sa Pilipinas.

Sinang-ayunan pa si Roman ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon. Naririnig ba nina Roman at Bongalon ang kanyang sarili? Maraming mamumuhunan na ang nakapasok sa bansa na sila na halos ang kumokontrol sa kalakalan. Natural, batid niya ang katotohanang iyan?

Ano pa ang gusto nilang pasukin ng mga foreign investors? Ang mga negosyong may kaugnayan sa seguridad ng bansa?

Bulag ba ang mga mambabatas na nagnanais pang palawakin ang pag-aari ng mga dayuhan? Maraming dayuhan na ang nagmamay-ari ng mga negosyo at maging lupain sa ating bansa.

Baka naman gusto nina Roman, Bongalon, at ang iba pang mga mambabatas na sumusuporta sa Cha-cha na ang buong Pilipinas ay maging pag-aari na ng mga dayunang mamumuhunan? Pilipino baa ng pinakamayaman na negosyante sa bansa?

Huwag naman ninyong hayaan na ang mga Pilipino ay mawalan na ng kabuhayan at ari-arian. Nangyayari na iyan sa ilang lugar sa bansa na walang pagpilian ang mga kababayan natin kundi ibenta at lisanin ang lupang minana pa nila sa kanilang mga ninuno dahil halos lahat ng nakapaligid sa kanila ay nabili na ng mga kompanyang pag-aari umano ng mga Pilipino-Chinese pero sa bandang huli magkakabukingan na Chinese ang totoong may-ari.

Intindihin n’yo sana ang kalagayan ng mga mamamayan at huwag hayaang dumating ang panahon na mismo tayong mga Pilipino ay maging dayuhan sa ating sariling bayan.

Previous articleTIANGCO BROS, 2023 OUTSTANDING PUBLIC SERVANTS
Next articlePRO3 COPS TUMUTUGON SA KASO NG BOMB HOAX