Home NATIONWIDE ‘Di lahat ng PNP vehicles pwede sa EDSA bus lane – NCRPO

‘Di lahat ng PNP vehicles pwede sa EDSA bus lane – NCRPO

MANILA, Philippines – Sinabi ni National Capital Region Police Office Director PMGen. Jose Melencio Nartatez na hindi lahat ng sasakyan ng Philippine National Police (PNP) partikular sa NCR ay puwedeng gumamit ng Edsa Bus Lane.

Sa ipinalabas ni Nartatez na guidelines base sa MMDA RESOLUTION NO. 20-002, tanging on-duty ambulances, fire trucks at PNP Vehicles ang awtorisadong gumamit ng Edsa Bus Lanes.

Sinabi pa ng NCR director na tanging mga sasakyan ng PNP na sangkot sa pagpapatupad ng batas tulad nang paghabol sa mga kriminal o hot pursuit operation at ang pinapayagang dumaan sa daanan ng bus carousel sa Edsa.

Ayon pa sa NCRPO, pinapayagan din ang mga sasakyang ng pulis na dumaan sa Edsa Bus Lanes kung ang mga ito ay reresponde sa emergency cases kabilang ang pagliligtas sa mamamayan lalo na kapag may kalamidad, maging gawa ng kalikasan o gawa ng tao.

Iginiit pa na ang mga sasakyan ng mga opisyal o miyembro ng PNP lalo na NCRPO na dadalo lang sa meeting o anomang okasyon at pagpupulong ay mahigpit na pinagbabawalang gamitin ang bus lane.

Idinagdag pa na ito ay dahil nais ng NCRPO na mapanatiling ligtas ang lahat ng mamamayan ng Metro Manila sapagkat sa Bagong Pilipinas, gusto ng pulis na ligtas tayong lahat. Lea Butones/Santi Celario