Home NATIONWIDE ‘Di pagsali ng Kamara sa Senado sa proseso ng Cha-cha, unconstitutional –...

‘Di pagsali ng Kamara sa Senado sa proseso ng Cha-cha, unconstitutional – Pimentel

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senate Minority Leader Koko Pimentel nitong Lunes, Disyembre 18, ang mga kasamahan sa Kamara na sundin nang tama ang proseso sa pag-amyenda sa 1987 Constitution kung nais talaga nila itong maisulong.

“Not involving the Senate and they believe that they can amend the constitution, impossible. Hindi lang unconstitutional, impossible pa,” pahayag ni Pimentel sa panayam ng CNN Philippines.

Ipinunto niya na ang pag-iiba sa proseso ay maituturing na ‘unconstitutional,’ dahilan para sa mga senador na dati ay sumusuporta na mag-atras ng kanilang suporta dahil dito.

Nauna nang sinabi ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales na suportado ng mga lider ng political parties ang charter change, at iniisip ang paraan na huwag nang isama sa usapin ang Senado.

Target ang people’s initiative para maisulong ang charter change. Sa ilalim ng Republic Act 6735, ang Initiative and Referendum Act, nasa 12% ng lahat ng rehistradong botante ay dapat na pumirma ng petisyon na amyendahan ang konstitusyon.

Nasa 3% ng lahat ng registered voters sa bawat legislative district ang dapat na irepresenta ng petisyon.

Kamakailan ay sinabi naman ni House Speaker Martin Romualdez na tututukan ng mababang kapulungan ang charter change sa susunod na taon. Tututukan nito partikular ang pag-amyenda sa economic provisions.

Sinabi naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-aaralan niya ang mga pagbabago partikular sa economic provisions upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan.

Para naman kay Pimentel, marami pang ibang paraan para makahikayat ng foreign investments sa bansa, katulad ng pagbawas sa korapsyon sa pamahalaan, bawas sa gastos sa kuryente, at pagprotekta sa halaga ng local currency sa responsableng pagbabadyet.

Nang tanungin naman siya kung posible ang “people’s initiative” para amyendahan ang charter, sinabi ni Pimentel na posible lamang ito sa ilang bahagi ngunit hindi sa kabuuan ng konstitusyon. RNT/JGC

Previous articleExtension sa operator hours ng MRT, LRT sa holiday season isinusulong
Next articleGov’t agencies handa na sa holiday rush – Abalos