Home HOME BANNER STORY ‘Di perpekto, pero walang failure of election na naganap – poll chair

‘Di perpekto, pero walang failure of election na naganap – poll chair

Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia nitong Lunes na nanindigan ang poll body sa pangako nitong walang failure of election sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.

Ito ay sa kabila ng maraming insidente ng karahasan na inulat sa panahon ng halalan sa ibat-ibang polling centers sa buong bansa, lalo na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa isang press conference sa Comelec Command Center sa Intramuros, binigyang-diin ni Garcia ang mahalagang papel ng mga guro at iba pang miyembro ng electoral board para matiyak ang matagumpay na pagdaraos ng BSKE.

Lahat din aniya ng precinct sa buong bansa na nasa 201,786 ay gumana sa panahon ng halalan ngayong taon, bagaman ang ilang mga polling precinct ay huli na nagsimula sa ilang mga isyu tulad ng seguridad.

Samantala, nakapagtala naman ng violent incidents ang Election watchdog Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa BSKE na karamihan ay nangyari sa BARMM.

Ayon kay PPCRV regional coordinator BARMM Fr. Dave Procalla, dalawa ang napatay at lima ang sugatan sa pamamaril sa Brgy. Buawas, Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte.

Kinumpirma rin ng PPCRV na isang grupo ng kalalakihan, na umano’y mga tagasuporta ng mga kandidato, ang pumasok sa dalawang presinto sa Puerto Princesa Pilot Elementary School sa Palawan at puwersahang kinuha at pinunit ang mga opisyal na balota.

Sinabi ni Garcia na sa kabila ng mga insidente ng ito ang electoral board members at botante ay ipinagpapatuloy ang election process.

Kaugnay pa rin sa BSKE , sinabi ni Garcia na 2,530 electoral board members sa BARMM ang umatras bago ang election day dahil sa takot sa kanilang seguridad. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articleMga chikiting ‘wag nang isama sa sementeryo – DOH
Next articlePCG: Halos 100K pasahero bumyahe para sa BSKE, Undas